SERYOSOHIN NATIN ANG ‘THE BIG ONE’

Magkape Muna Tayo Ulit

MUKHANG nawala na sa kaisipan ng mga Filipino, lalong-lalo ang mga taga-Metro Manila at karatig-lalawigan sa Luzon, kung ano ang idinulot na takot noong ika-22 ng Abril nang tayo ay makaramdam ng magnitude 6.1 na lindol.

May mga namatay sa Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga na hanggang ngayon ay wala pang resulta ng imbestigasyon kung sino ang may sala sa pagkaguho ng nasabing gusali. Nagkaroon pa ng isyu na nagsasabi na maraming ‘sub-standard’ steel ang kumakalat sa ating merkado. Maaa­ring ‘sub-standard’ steel ang ginamit sa paggawa ng Chuzon Supermarket na siyang dahilan sa pagguho nito. Nakuwestiyon din ang mga nagtataasang gusali sa Metro Manila na maaaring naitayo rin sa pamamagitan umano ng ‘sub-standard’ steel. Subalit pagkatapos ng halos dalawang buwan ay tila balewala na sa karamihan ang mga isyu na ito.

Kahapon ay nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED). Nagbaba ng utos ang DILG sa local government units (LGUs) na lumahok sa nasabing kaganapan. Ngunit tila malamig ang pagyakap ng LGUs sa kautusan na ito. Pati sa media ay hindi masayadong nabigyan ng pansin ang kaganapang ito.

Matatandaan na nagbigay na rin ng babala si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum, Jr. na hinog na ang ating bansa upang tamaan ng ‘The Big One’ na lindol. Ang scenario rito ay tatama ang isang magnitude 7.2 na lindol sa kahabaan ng West Valley Fault na aabot sa 100 kilometers. Ang maaaring resulta nito ay malaking pagkasira ng buong Metro Manila at ibang parte ng mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.

Ayon din sa pag-aaral ng Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS) noong 2013, aabot sa mahigit 31,000 ang maaaring mamatay. Mga 511,000 ang magtatamo ng ser­yosong pinsala sa katawan. May kabuuan na 88,142,000 square meters ang mga guguhong gusali at imprastraktura. 172,924,000 square meters ang makararanas ng ‘slight to extensive da­mage’. Maaari ring magkaroon tayo ng economic loss na magkakahalaga ng P2.269 trillion kapag nangyari ang kinatatakutan na ‘The Big One’. Tandaan, ang pag-aaral na ito ay isinagawa mahigit na anim na taon nang nakararaan. Siguradong lalaki pa ang pinsala nito! Sana naman ay seryosohin natin ang banta na maaaring makaranas tayo ng isang matindi at mapaminsalang lindol. Paghandaan natin ito. Suriing mabuti ang mga impraestraktura at mga gusali kung matibay ang mga materyales na gawa rito. Makibahagi sa mga regular na earthquake drills ng DILG at ng MMDA.

ISANG MAGALING AT MAGITING NA HENERAL

Ngayong araw ang pagreretiro ng isang napakagaling na sundalo na nanilbihan ng mahigit na tatlong dekada sa Armed Forces of the Philippines.

Ngayon din kasi ipinagdiriwang ang kanyang ika-56 na kaarawan. Ang tinutukoy ko ay si AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Salvador Melchor  B. Mison Jr. (Philippine Air Force) PMA ‘Maharlika’ Class of 1984. Maraming salamat sa iyong ibinigay na dedikasyon at serbisyo sa ating bayan.

Magreretiro siya na walang bahid ng kontrobersiya. Hinog na hinog siya upang maging susunod na AFP Chief of Staff subalit mukhang iba ang plano ng Panginoon sa kanya.

Pinatunayan niya na isa siyang opisyal ng AFP na may ‘character, competence and commitment’. Ito ang karunungan o wisdom na naging gabay niya sa kanyang military service.  Happy birthday. Mabuhay ka, Badong. Saludo ako sa ‘yo!

Comments are closed.