INIULAT ng Department of Health (DOH) ang pagdami ng bilang ng severe at critical COVID 19 cases sa bansa sa mga nakalipas na linggo.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang pagtaas ng bilang ang naobserbahan nilang ‘trend.’
Sa kabila nito ay nilinaw niya na hindi pa rin lumalagpas sa 10% threshold o 1,000 ang mga kaso.
Hanggang nitong Agosto 21, ang mga pasyente na nakakaranas ng critical o severe symptoms ay 811 at ang pagtaas ay naobserbahan sa nakalipas na apat na linggo.
Ibinahagi rin ni Vergeire na 60 porsiyento ng mga kaso ay unvaccinated o ‘partially vaccinated.’
Mahigit 72 milyong Filipino na ang fully vaccinated, samantalang 17 milyon na ang nakapagpaturok ng booster shots.
Samantala, bineberipika na ng DOH ang posibleng local tranmission ng monkeypox virus sa bansa.
Ayon kay Vergeire, tinutukoy na ng kanilang ahensiya kung saan nakuha ng pang-apat na pasyente ang naturang sakit.
Sinabi pa ni Vergeire na naka-isolate na rin ang 14 na close contact ng naturang pasyente.
Samantala, nilinaw naman ng DOH na walang nararanasang sintomas ang 17 close contacts ng ikatlong monkeypox case na naka-isolate kung saan 13 sa kanila ay nasa medium-risk.