ANG problema sa kakulangan ng pagkain ay maliwanag na nakikita sa mga taong humuhugos sa mga lugar na may namimigay ng pagkain at pera, lalo na sa mga apektado ng nagdaang kalamidad.
Kaya sinasamantala rin ng ilang politiko ang sitwasyon ng mga naghihikahos nating kababayan.
Isiniwalat nga ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations (UN) na maraming tao sa buong mundo ang walang regular access sa sapat, ligtas, at masustansiyang pagkain.
Ito raw ang dahilan kaya bansot, patpatin, hindi aktibo at hindi malusog ang buhay ng ilang mamamayan sa mga mahihirap na bansa.
Siyempre, hindi mawawala sa listahang ito ang Pilipinas.
Nakaaalarma raw ang pinakahuling ulat ng FAO ukol sa food insecurity at nutrisyon sa Asya- Pasipiko.
Pinamagatang “2021 Asia and the Pacific Regional Overview of Food Security and Nutrition,” isiniwalat sa joint report na inilathala ng FAO at United Nations Children’s Fund (UNICEF) na tumindi ang kagutuman at kakulangan sa ‘access’ sa mga masustansiyang pagkain noong 2020.
Lumabas sa datos na mahigit 375 milyong tao sa Asya-Pasipiko ang nakaranas ng gutom noong isang taon, mas mataas kumpara sa 54 milyon noong 2019.
Mahigit 1.1 bilyong tao raw sa rehiyon ang walang sapat na pagkain noong nakalipas na taon kung saan nagkaroon ng 150 milyon na pagtaas kumpara sa nagdaang taon.
Bunsod naman daw ng income inequality o kawalan ng sapat na pagkakakitaan, marahil ay dulot din ng pandemya, aabot sa 1.8 bilyon ang lumiban muna sa malusog na diyeta.
Sa Pilipinas naman, sumirit daw sa dalawang milyon ang bilang ng mga taong nakaranas ng severe o malala at moderate o katamtamang food insecurity.
Nakasaad din sa report ng FAO at UNICEF na ang mga Pinoy na walang sapat na pagkain ay umabot sa 46.1 milyon noong 2018-2020, mas mataas kumpara sa 44 milyon na naitala noong 2017-2019 period.
Ang mga nakaranas naman daw ng severe food insecurity ay lumobo ng hanggang 4.3 milyon noong 2020, mula sa 3.4 milyon bago ito.
Walang datos na nabanggit para sa taong 2018, ngunit kahit bago mag-pandemya, ang tinatawag na ‘food insecure people’ ay umakyat ng halos dalawang milyon ang bilang noong 2019.
Mas pinalala rin daw ng Covid-19 pandemic ang limitadong access ng tao sa abot-kaya at masustansiyang pagkain dulot ng mobility restrictions at pagkabitin ng economic activities na nagparami rin sa bilang ng mga nawalan ng trabaho.
Sa totoo lang, nakababahala ang datos na ito ng UN.
Magsilbing ‘wake-up call’ sana ito para mas mag-focus pa ang pamahalaan sa paglaban sa pagkagutom ng mamamayan.
Hindi naman maitatanggi na may anti-hunger at poverty reduction initiatives ang ating gobyerno.
Ngunit marahil ay hindi pa sapat ang mga ito, lalo na ngayong may krisis, at hindi pa nakakabangon ang mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Kung tuloy-tuloy man, mas maigi siguro kung dagdagan pa ang mga benepisyaryo ng feeding program.
Kung gaano katindi ang paglaban ng Duterte administration sa mga corrupt at drug traffickers, dapat ganoon din sa pakikibaka sa nararanasang kagutuman.
Sagana sa pagkain ang ating bansa kaya hindi dapat magutom ang mga Pinoy.
Kung tutuusin, napakalawak ng mga taniman natin.
Aba’y kung mapagbubuti ang ani, kahit ang sarili nating bigas ay maaaring ipagbili ng mura para makakonsumo nang tama ang mga naghihikahos nating kababayan.
Paunlarin at buhusan ng sapat na pondo ang agricultural sector, gumawa ng pangmatagalang patubig para sa mga palayan, mais at iba pang pagkaing butil.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na nariyan ang pag-asa ng bansa sa agrikultura.
Marami itong malilikhang trabaho at wala nang magugutom.
Sa ganitong paraan, wala nang dahilan para kumalam ang sikmura ng mga Pilipino.