‘SEX FOR PASS’ PINAIIMBESTIGAHAN SA SENADO

Leila de Lima

NAIS paimbestigahan ni Senadora Leila de Lima ang alegasyon na “sex for pass” scheme ng  umano’y mga pulis sa gitna ng umiiral na quarantine sa bansa.

Sa Senate Resolution bilang 437 na inihain ni De Lima, layon nito na matukoy ang pananagutan ng may kagagawan nito at mahigpit na maipatupad ang gender based policies sa tuwing may krisis sa bansa.

Paliwanag pa ng Senadora, ang kawalan ng detalye tungkol sa nasabing isyu sa lingguhang ulat na isinusumite ng Malacañang sa Joint Congressional Oversight Committee ay nagpapatunay lang na hindi siniseryoso ng gobyerno ang nasabing usapin.

Aniya, napakaseryosong usapin umano ng Gender-based violence na kailangang tutukan ng gobyerno.

Nauna nang hinikayat ni Philippine National Police chief Gen. Archie Gamboa ang mga biktima ng umano’y “sex for pass” scheme na sampahan ng kaso ang mga may kagagawan nito na kinasasangkutan umano ng mga pulis.

Iginiit naman ni De Lima na hindi madali para sa biktima ng pang-aabuso ang maghain ng kaso dahil hindi lang ito nangangailangan ng tapang kundi maging ng pinansiyal sa mga biktimang walang kakayahan. VICKY CERVALES

Comments are closed.