SGT MAYO INAALAM KUNG KONEKTADO SA CHINESE TRIAD

SA laki ng bulto ng droga na nakumpiska sa presensiya ni Sergeant Rodolfo Mayo Jr. sa Maynila noong Oktubre 2022, todong imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kung anong sindikato ang kinaaniban nito.

Sinabi ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa isang panayam na bukas sila sa anumang posibilidad ng maaaring kasamahan ni Mayo at ang lahat ng ebidensiya na mayroon sila ay kanilang pinag-aaralan kung sino ang mga kasabwat ng dating pulis sa kaniyang illegal drug activities.

Bukod kay Mayo may iba pang naarestong pulis at maging mataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency kaya tinitingnan ang mga kaugnayan ng mga ito kung iisang grupo o higit pa.

Kaya inaalam na ng PNP na kung miyembro ng Bamboo Gang, Chinese triad at malalaking sindikato ng droga sa Asia ang mga nahuling pulis.

“’Yun ang inaalam natin actually dahil nakikita natin na nung nahuli natin si Sgt. Mayo na bakit napakalaki naman ng volume na hawak hawak niya. It’s very unusual kaya tinitingnan natin kung sila nga ba ay miyembro na ng mga triad,” tugon ni Azurin sa tanong kung miyembro na ng Chinese triad si Mayo.

Labis na ikinamangha ng mga arresting police ang lugar kung saan nahuli si Mayo na noo’y nagsilbing bantay kung saan nakaimbak ang nasa 990 kilos ng shabu o halos isang tonelada sa rami habang maraming closed circuit television at vault pa. EUNICE CELARIO