SHAKE HANDS, BESO BAWAL MUNA–DOH

Shake hands

PINAIIWAS muna ng Department of Health (DOH) ang publiko sa pakikipagkamay at pakikipagbeso-beso sa ibang tao bilang pag-iingat sa gitna na rin ng banta ng novel coronavirus (2019-nCoV) mula China.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, makabubuting iwasan muna ang mga nabanggit na tradis­yon na pagbati sa kapwa lalo na’t may mga binabantayan silang posibleng kaso ng nCoV sa bansa.

Nagbiro rin ang kalihim na ang pinakamalapit lamang na maaaring gawin bilang pagbati ay ang pag-fist bump.

Pinayuhan din ni Duque ang publiko laban sa pagkain ng mga hindi lutong karne o mga kinilaw.

Sinabi ni Duque, kinakailangang matiyak na wasto ang pagkakaluto sa mga karne lalo na’t nagmula ang virus sa mga hayop na nailipat lamang sa mga tao.

Pumalo na sa 80 ang nasasawi  sa nCov.

Nakapagtala rin ng 400 bagong kaso nito sa China kaya’t lumobo pa sa mahigit 2,000  ang kaso nito.

Inamin ni Chinese Health Minister Ma Xiaowei na tumataas ang kakayahan ng nasabing virus na mabilis na kumalat.

Patuloy rin ang pag-akyat ng bilang ng mga bansang mayroong kumpirmadong kaso ng novel coronavirus tulad ng Canada, France, Amerika, Nepal, Thailand, Malaysia, Singapore, South Korea, Japan, Taiwan, Hong Kong, Macau, Vietnam at Australia. DWIZ882

Comments are closed.