SHAKEY’S SUPER LEAGUE NATIONAL INVITATIONAL LALARGA NA

PANGUNGUNAHAN ng reigning UAAP champion La Salle at NCAA titlist College of St. Benilde ang matitikas na koponan na sasabak sa Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals.

Bukod sa dalawang premyadong unibersidad, tampok din sa 12-team league ang mga pambato mula sa Luzon, Visayas at Mindanao na makikipagtagisan ng galing simula sa Sabado (Hulyo 29) sa Filoil EcoOil Center sa San Juan.

Inorganisa ng Athletic Events and Sports Management Inc. (ACES), sa pakikipagtulungan ng nangungunang pizza chain sa bansa, ang torneo ay bahagi ng tambalan para patuloy na maisulong ang programa sa volleyball.

Idinaos ng Shakey’s ang unang Collegiate Pre-Season Championship noong nakaraang taon, tampok ang lahat ng 18 koponan mula sa UAAP at NCAA bago tipunin ang 16 pinakamahuhusay na high school teams ng bansa para sa Girls’ Volleyball Invitational League.

Sa pagkakataong ito, asahan ang higit pang aksiyon mula sa mga preyadong collegiate players sa bansa.

“True to our commitment to encourage more players, discover and showcase new talents, we’re gonna go nationwide,” sambit ni ACES president Dr. Ian Laurel. “Ito ang magandang way para makita natin kung ano pa ‘yung mga talents out there. This is the next one for us.”

Kasama rin sa torneo ang Adamson at University of Santo Tomas mula sa UAAP, Lyceum of the Philippines University at University of Perpetual Help System Dalta mula sa NCAA.

Kumpleto sa cast ang Luzon bets na La Salle-Dasma at Enderun Colleges, University of San Jose Recoletos at University of Southern Philippines mula Cebu, gayundin ang Notre Dame ng Dadiangas University at Jose Maria College Foundation ng Davao City mula sa Mindanao.

-EDWIN ROLLON