LONDON – Nalasap ni Maria Sharapova ang kanyang unang opening round loss sa Wimbledon at ang pinakamaagang Grand Slam exit sa loob ng walong taon nang gulantangin ni fellow Russian Vitalia Diatchenko, ang world number 132.
Bukod kay Sharapova, ang 2004 champion, maaga ring nasibak sa torneo si 2011 at 2014 winner Petra Kvitova na sinilat ni Belarusian world number 50 Aliaksandra Sasnovich.
Gayunman, sina two-time men’s champion Rafael Nadal at three-time winner Novak Djokovic ay umabante sa second round.
Nalusutan ni Diatchenko ang back injury upang maitakas ang 6-7 (3/7), 7-6 (7/3), 6-4 panalo matapos ang mahigit tatlong oras na matinding aksiyon.
Sinelyuhan ni Sharapova, naglalaro sa Wimbledon sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon makaraang lumiban noong 2016 dahil sa drugs ban at noong 2017 dahil sa injury, ang pagkatalo sa kanyang ika-11 double fault.
Ito ang kanyang pinakamaagang pagkakasibak sa isang Grand Slam matapos ang first round defeat sa 2010 Australian Open.
“It’s always tough to assess your motivation levels after a first round loss but I won’t shy away from learning from my errors,” wika ng 31-anyos na si Sharapova.
Paborito si eighth seed Kvitova para sa ikatlong korona sa Wimbledon makaraang magwagi ng limang titulo noong 2018, kabilang ang grass-court tournament sa Birmingham noong nakaraang weekend, at nakatipon ng WTA Tour-leading 38 match victories.
Subalit nalasap niya ang nakadidismayang 6-4, 4-6, 6-0 pagkatalo kay Sasnovich.
“When I was younger, I played better on the Grand Slams than the other tournaments. Now is the time when I’m playing better on the other tourna-ments than the Grand Slams,” anang 28-year-old Czech.
Si Kvitova ang ika-4 na top 10 women’s seed na natalo sa first round.
Sina number four Sloane Stephens at fifth-seeded Elina Svitolina ay napatalsik noong Lunes/
Si Caroline Garcia ng France, seeded six, ay yumuko rin kay Belinda Bencic ng Switzerland, 7-6 (7/2), 6-3.
Samantala, umusad si world number one Nadal sa second round sa pamamagitan ng 6-3, 6-3, 6-2 panalo laban kay Dudi Sela ng Israel sa kanyang pagbabalik-aksiyon sa unang pagkakataon magmula nang kunin ang kanyang ika-11 French Open title.
“I’m just happy to be through of course and yes, this match gives me positive feelings,” ani Nadal.
Sumampa naman si Djokovic sa second round matapos ang 6-3, 6-1, 6-2 pagdispatsa kay Tennys Sandgren ng United States.
Comments are closed.