“ITO na marahil ang tamang panahon upang lalo nating palakasin ang ating ‘shared commitment’ at seryosohin ang pagpapatupad sa National Health Insurance Program nang makamtan ang inaasam na universal coverage para sa mamamayang Filipino.”
Ito ang sinabi ng bagong acting President at CEO ng PhilHealth na si Dr. Roy B. Ferrer sa isinagawang synchronized flag-raising ceremony kamakailan sa tanggapan nito sa Pasig City, kasabay ng panawagan niya sa lahat ng empleyado na isulong ang misyon ng PhilHealth na makapaghatid ng dekalidad, mabisa at agarang serbisyo sa mga miyembro.
Sa kabila ng mga nagdaang pagsubok, nakahanda ang PhilHealth na harapin ang hamon na maiangat muli ang antas ng paghahatid ng serbisyong medikal sa pamamagitan ng segurong pangkalusugan.
Mariing pinaalalahanan ni Dr. Ferrer ang mga kapuwa niya kawani na ang ‘public service’ ay ‘public trust’ kasabay ang hamon sa bawat isa na panindigan ang pangako na maglingkod nang buong katapatan, buo ang integridad at walang kinikilingan sa lahat ng oras. Kanya ring hinikayat na manatiling positibo at laging isipin ang kapakanan ng milyon-milyong umaasa sa PhilHealth.
Aniya, “anumang problema ay maaaring gawing oportunidad at magsilbing aral ang nagdaang pagkakamali upang matuto tayo sa wastong desisyon at nararapat na aksiyon.”
At upang maisakatuparan ang universal health care, inatasan niya ang PhilHealth na tuparin ang mithiin na paigtingin ang financial risk protection sa pamamagitan ng pagpapalawak ng enrolment at benefit delivery.
Bunga nito, hinimok din ng bagong PhilHealth chief ang mga empleyado na bumuo ng kultura ng pagiging bukas, lantad, hindi pumapabor sa katiwalian at may malasakit sa kapuwa.
“Sa ating matibay na ‘shared commitment’, tapang at kakayahan, maililihis natin sa positibo ang sitwasyon bunga ng nagdaang mga isyu laban sa PhilHealth sa lalong madaling panahon. Kailangan tayong maging karapat-dapat sa ating pamilya at sa mamamayang Filipino na umaasa sa atin,” sabi pa niya.
Para sa inyong mga katanungan o kung may paksa kayong nais naming talakayin sa kolum na ito ay tumawag sa aming 24/7 Corporate Action Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng sulatroniko sa [email protected].
Comments are closed.