SHAWARMA SHACK WAGI SA ASIABASKET OPENER

NAGWAGI ang Filipino team Shawarma Shack Pilipinas at ang Malaysian outfit MBC Kirin sa opening night ng AsiaBasket International Championship noong Easter Sunday sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur.

Dinispatsa ng Shawarma Shack ang Sanzar Pharmaceuticals, 86-82, sa Group A.

Halos makakawala sa Shawarma Shack ang 19-point lead subalit namayani pa rin nang kapusin ang paghahabol ng Sanzar sa fourth quarter.

Tumapos si Ken Bono na may 20 points, ni 9 rebounds, at 1 assist upang pangunahan ang Shawarma Shack.

Nagdagdag si Nikki Monteclaro ng 13 points, 2 rebounds, 3 assists, at 2 steals, nag-ambag si Leonardo Esguerra ng 12 points, 5 rebounds, at 1 assist, at nagtala sina RJ Deles, Mike Harry Nzeusseu, at Billy Rojo ng tig- 10 markers habang kumalawit din si Nzeusseu ng 11 rebounds para sa double-double.

Nanguna si Shaq Alanes para sa Sanzar na may 33 points, 30 sa first half, sa likod ng 7 triples, 1 rebound, 3 assists, at 2 steals.

Sa Group B opener, ginulantang ng MBC ang The Th3rd Floor-KalosPH-Cooly, 92-85.

Nanguna si William Freeman para sa MBC na may 21 points, 12 rebounds, 3 assists, at 4 steals, habang nag-ambag sina Tychique Bosango at Leong Zhen Kang ng tig-17 markers mula sa bench.

Nagbida si Filipino actor Gerald Anderson sa Th3rd Floor na may 24 points, 3 rebounds, 3 assists, at 5 steals.

Tumapos si Dexter Zamora na may 19 points, 2 rebounds, 1 assist, 3 steals, at 2 blocks, habang kumabig si Genmar Bragais ng 18 points, 4 rebounds, 4 assists, at 5 steals.