SHEAR LINE DEATH TOLL UMAKYAT SA 52, 19 NAWAWALA

UMAKYAT na sa 52 na pamilya ang nagluluksa ngayong pagpasok ng bagong taon matapos na lumobo pa ang bilang ng mga nasawi dulot ng mga pagbaha dahil pag-ulang dala ng shear lines habang 19 na pamilya ang patuloy na nagdadalamhati bunsod ng pagkawala ng kanilang minamahal sa kasagsagan ng naganap na Christmas flooding sa Visaya at Mindanao.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa pinakahuling situational report kahapon may naitala rin silang 16 na sugatan na kabilang sa may 595, 693 katao na naapektuhan ng shear line.

Samantala, nasa halos kalahating milyong katao o katumbas ng 149,957 na pamilya ang apektado ng shear line na mula sa 959 na barangay sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa NDRRMC , 13 sa mga reported death ay validated na habang kasalukuyang pang sumasailalim sa validation ang 38 iba pa.

Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ang mga nawawala bunsod ng naganap na mga pagbaha at landslides dala ng mga pag ulan bunga ng nararanasang shear line at Northeast Monsoon o amihan.

Partikular na nasalanta ng mga pag-ulan ang Eastern Visayas, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Camiguin, Southern Palawan at ilang bahagi ng Mindanao.

Ilang siyudad at munisipalidad na rin ang inilagay sa ilalim ng state of calamity.

Ayon sa NDRRMC nasa P48.49 milyon na ang naipagkaloob na tulong sa mga naapektuhan.

Nabatid na nasa 4,540 bahay ang nasira, 3,704 rito ay “partially damaged” habang 836 ang nawasak at hindi na pakikinabangan. VERLIN RUIZ