SHELL NAGPALABAS NG SCAMMER ALERT

PILIPINAS SHELL

NAGBABALA sa publiko ang Pilipinas Shell laban sa mga indibidwal at organisasyon na gumagamit sa pangalan ng kompanya  sa pagre-recruit ng mga aplikante na pagkaraan ay hinihingan nila ng umano’y placement fee at para sa pagbili ng personal protective equipment (PPE).

Nakarating sa Shell na may mga tiwaling tao at organisasyon na nagpapanggap na HR personnel ng kompanya  at nagpo-post ng mga pekeng job advertisements online.

Pinagsusumite nila ang mga aplikante ng resume sa [email protected], isang pekeng email address na hindi opisyal na email account ng Shell o ng kanilang partner organizations.

Sa sandaling magsumite ng resume ang aplikante, hihingan sila ng scammer ng pera para sa umano’y cash bond at pagbili ng PPE, at sinasabing ibabalik din ang pera sa sandaling matanggap siya sa trabaho.

Subalit sa sandaling nakapagbayad na ang aplikante, maglalaho na lamang ang scammers na parang bula.

Sa isang statement, nilinaw ng Shell na hindi sila konektado sa mga indibidwal at organisasyon na ito. Ang proseso ng pag-recruit ng mga empleyado ay ginagawa lamang ng kompanya sa kanilang official channels na walang hinihinging  placement fees.

Pinayuhan ng Shell ang mga aplikante na beripikahin ang anumang job postings sa official channels ng Shell upang matiyak na hindi sila maloloko ng mga scammer.

Comments are closed.