SHELLFISH BAN SA 8 LALAWIGAN

NAGPOSITIBO sa red tide toxin ang ilang lugar sa walong lalawigan sa bansa.

Kasunod ito ng isinagawang pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at local government units sa mga sample shellfish na kinuha sa ilang coastal areas.

Kabilang sa coastal areas na nagpositibo sa red tide ang Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Biliran Island, Daram Island, Maqueda, Villareal, Cambatutay, Irong Irong at San Pedro Bays sa Western Samar; Cancabato Bay, Tacloban City sa Leyte;  Matarinao Bay sa Eastern Samar; Dumanquillas Bay sa Zamboanga Del Sur; Baroy sa Lanao Del Norte; at Lianga Bay sa Surigao Del Sur.

Ipinabatid pa ng BFAR na nagpositibo rin sa red tide toxin ang mga karagatang sakop ng Marivels, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Hermosa, Orani, Abucay at Samal sa Bataan.

Ipinagbabawal ng BFAR ang pagkain ng shellfish lalo na ang alamang na nakukuha sa nabanggit na mga lugar.

Maaari namang kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango basta  siguraduhin na sariwa, hinugasan at nilutong mabuti, at tanggalin ang kaliskis at hasang bago lutuin.

Samantala, ligtas na sa red tide ang mga baybaying dagat ng Carigara Bay at Leyte, Leyte.