SHELLFISH SA BATAAN LIGTAS NANG KAININ

BATAAN- INIHAYAG ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas na para sa human consumption ang mga shellfish mula sa lalawigang ito.

Ito ay matapos na magnegatibo na sa nakakalasong red tide ang mga baybayin ng lalawigan matapos ang dalawang magkakasunod na ginawang pag-analisa o pagsusuri sa mga shellfish at water samples.

Kung kaya’t ang lahat ng uri ng shellfish at alamang mula sa mga baybayin ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Hermosa, Orani, Abucay, bayan ng Samal, at Balanga City ay ligtas ng kainin.

Sa ngayon, ayon sa BFAR, karamihan sa mga baybayin sa bansa ay walang presensiya ng toxic red tide kabilang ang mga baybayin ng Pampanga at Bulacan sa Central Luzon.

Habang tanging ang mga lugar na apektado ng red tide ay ang Honda Bay sa Puerto Princesa, Palawan; Dauis at Tagbilaran sa Bohol; San Benito sa Surigao del Norte; at Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur. EVELYN GARCIA