SHFC HOUSING LOAN UMABOT SA P594-M SA Q1

SHFC

UMABOT ng P549.43 milyong halaga ang nailabas ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) para sa mga programang pabahay nito sa unang tatlong buwan ng 2021.

Sa kabuuan, nasa 8,282 informal settler families (ISFs) sa buong bansa ang natulungan ng SHFC na magkaroon ng seguridad sa palupa at pabahay sa kabila ng Covid-19 pandemic.

“Ito ay patunay ng aming walang-patid na serbisyo para mapaunlad ang kalagayan ng ating mga kababayang nangangailangan ng pabahay sa gitna ng ating patuloy na pagharap sa mga hamon ng pandemya,” pahayag ni SHFC Corporate Planning and Communications OIC-Vice President Florencio Carandang, Jr. sa ginanap na inaugural meeting ng National Human Settlements and Urban Development Coordination Committee (NHSUDCC) nitong Mayo 31.

Nasa P230 milyon naman ang ipinagkaloob na pautang ng SHFC sa unang quarter ng taon para sa 13 proyektong pabahay nito sa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) kung saan tinatayang nasa 3,800 ISFs ang nakinabang dito.

Sa ilalim ng CMP, ang mga organisadong ISFs ay maaaring mangutang bilang isang grupo o komunidad sa ahensiya upang mabili ang lupang kanilang kinatitirikan o ‘di kaya ay makalipat sa lugar na kanilang gustong tirahan.

Habang nasa P170 milyon naman ang inilaan na budget para sa North-South Commuter Railway Extension Project.

Tinataya namang nasa P122 milyon ang halaga ng pautang na binigay para sa High Density Housing Program at P30 milyon naman para sa Marawi Shelter Project.

Kasunod nito, ipinahayag ni Carandang na kahit humaharap ang bansa sa hamon ng pandemya ay nananatiling malakas ang pinansiyal na katayuan ng SHFC na isa sa  key shelter agencies sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sa katunayan, nitong Marso 2021 ang korporasyon ay nakapagtala ng P32.64 milyon net operating income habang ang total assets nito ay pumalo ng P28.14 bilyon.

Umabot naman ng P248 milyon ang nakolekta ng SHFC mula sa mga pautang nito para sa kanilang mga programang pabahay at nakapag-remit din ang ahensiya ng halos P320 milyon na halaga ng dibidendo (2017-2019) sa Bureau of Treasury sa ilalim ng Duterte administration.

Kamakailan lamang sa kauna-unahang pagpupulong ng NHSUDCC na isinagawa sa pamamagitan ng Zoom ay pinamunuan ni DHSUD Sec. Eduardo del Rosario.

Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa SHFC at mga opisyal mula sa Home Development Mutual Fund, National Home Mortgage Finance Corporation, National Housing Authority, at ng Human Settlements Adjudication Commission.

Sa kasalukuyan, mahigit 421,000 ISFs na ang natulungan ng SHFC na magkaroon ng seguridad sa palupa at pabahay na nagkakalahalaga ng higit kumulang sa P25 bilyon simula noong 1989. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.