SHIGA, SAN-EN ‘OLAT’ NA NAMAN

KAHIT bumalik sa kanilang home arenas ay nalasap pa rin ng Shiga Lakestars at San-En NeoPhoenix ang ika-4 na sunod na pagkatalo sa 2021-22 season ng B.League.

Si Kiefer Ravena at ang Lakestars ay balik sa Ukaruchan Arena noong Miyerkoles ng gabi ngunit nabigo pa rin sa bisitang Shimane Susanoo Magic, 102-94.

Gumawa si Ravena, pinarangalan bilang Most Valuable Player ng koponan para sa buwan ng Oktubre, ng  14 points at 6 assists at naipasok ang walo sa kanyang 10 free throw attempts. Nanguna si Ovie Soko para sa Shiga na may 20 points at 14 rebounds, at nagdagdag si Novar Gadson ng 16 points.

Sa pagkatalo ay bumagsak ang Shiga sa 6-6 sa West Division. Magbabalik sila sa aksiyon ngayong weekend sa pagtungo nila sa White Ring Arena para harapin ang Shinshu Brave Warriors.

Samantala, nalasap din ng San-En NeoPhoenix ang ika-4 na sunod na pagkabigo nang yumuko sa Shinshu, 92-79.

Tumipa si Thirdy Ravena ng 10 points at 5  rebounds, habang nanguna si Shota Tsuyama para sa San-En na may 17 points.

Nahulog ang San-En sa  3-9 kartada. Ngayong weekend ay bibiyahe sila sa  Toyama kung saan mapapalaban si Ravena kay Dwight Ramos at sa Grouses.