BOCAUE, Bulacan – Hindi uuwing luhaan ang Filipinas mula sa 2018 FIBA 3×3 Basketball World Cup.
Ito ay makaraang madominahan ni Filipina standout Janine Pontejos ang shoot-out competition kahapon sa Philippine Arena.
Nakasagupa sina Maksim Dybovskii at Alexandra Stolyar ng Russia, at Marin Hrvoje ng Croatia, si Pontejos ay nagpamalas ng sweet-shooting stroke, dahilan para maging paborito siya ng malaking crowd sa venue.
Matapos buksan ni Dybovskii ang paligsahan sa pagkamada ng walong puntos, nagpasiklab si Pontejos sa harap ng kanyang mga kababayan kung saan naisalpak niya ang 10 shots mula sa regular rack, kabilang ang walong sunod na tira sa one point, at pagkatapos ay naipasok ang dalawa sa kanyang tatlong attempts sa bonus rack.
Nakompleto ng dating Centro Escolar University star ang course sa oras na 41.86 seconds, mas mabilis kay Stolyar, na umiskor din ng 14 points subalit nangailangan ng 49.9 seconds upang tapusin ang racks.
“Sobra po akong kinakabahan,” pahayag ni Pontejos matapos ang kumpetisyon. “Umpisa pa lang, nanlalamig na ang kamay ko. Sobrang hirap po, kasi ang lakas ng aircon, eh ang nipis ko po. So kailangan, pawisan ako.”
Nakuha ni Hrvoje ang bronze medal na may 11 points sa 44.3 seconds.
Inamin ni Pontejos na kinabahan siya nang makitang tumabla si Stolyar sa kanyang iskor, subalit ipinaubaya na lamang, aniya, niya ang resulta sa Panginoon.
“Nag-pray na lang ako kay God kung ano ‘yung kalabasan. Proud pa rin ako na kahit second or third man makuha ko, basta makapasok ako rito sa finals,” sabi pa niya.
Ito ang unang pagkakataon na nanalo ang Filipinas ng gold medal sa senior level ng FIBA 3×3. Si Kobe Paras ay dalawang beses na nagwagi sa FIBA 3×3 slam dunk contest sa under-18 level, noong 2013 at 2015.
Umusad si Pontejos sa finals nang makagawa ng anim na puntos sa loob lamang ng 22 segundo sa qualifying round noong Linggo.
Comments are closed.