ORDER TINIYAK kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Archie Francisco Gamboa sa publiko na walang shoot to kill order laban sa mga lumalabag sa quarantine sa gitna ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at iba pang high-rish areas.
“Shoot to kill? Wala naman, baka lang to emphasize things…” pahayag ni Gamboa sa virtual press briefing.
Lumabas ang ganitong katanungan makaraan umanong magbanta ang pinuno ng Quezon City Task Force Disiplina na si Rannie Ludovica, sa quarantine violators sa lungsod na paiiralin ang shoot to kill policy: “Mula bukas, shoot to kill na ang lalabag sa MECQ.”
Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang ganitong pahayag ay hindi nararapat at iligal.
Pinayuhan na lamang ng DILG si Ludovica na itigil ang paghahayag ng ganitong pagbabanta.
Samantala, nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng record high na 6,352 mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa datos ng DOH hanggang alas-4:00 ng hapon ng Agosto 4, umakyat na sa 112,593 ang kabuuang bilang ng COVID-19 infections sa Filipinas.
Nilinaw ng DOH na sa naturang 6,352 kasong kanilang iniulat kahapon, 3,941 o 62% ang nangyari sa nakalipas na 14 na araw o mula Hulyo 22 hanggang Agosto 4, 2020.
Karamihan sa mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 3,139 new cases.
Sinundan ito ng Laguna na may 592 new cases, Cavite na may 550 new cases, Rizal na may 277 new cases at Cebu na may 261 new cases.
Samantala, may 240 namang naiulat na bagong gumaling sa sakit sanhi upang umabot na ang total COVID-19 recoveries sa bansa sa 66,049.
Mayroon namang 11 na naitalang nasawi dahil sa virus.
Ayon sa DOH, sa 11 na nasawi, isa ang namatay ngayong Agosto, walo noong Hulyo, isa noong Hunyo at isa noong Mayo.
Sa ngayon, umakyat na ang COVID-19 death toll ng Filipinas sa 2,115. EVELYN GARCIA, ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.