CAVITE – KARIT ni kamatayan ang sumalubong sa 31-anyos na holdaper ng Indian trader makaraang makipagbarilan sa pulisya sa bahagi ng NIA road sa Barangay Malagasang 1-G, Imus City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa Ospital ng Imus subalit idineklarang patay ang suspek na si Rowel Tabangcura y Tagalong ng Barangay Osorio sa Trece Martirez City.
Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, pauwi na ang biktimang si Sukhvinder Darshan Singh alyas William Singh, 56-anyos, sakay ng kanyang motorsiklo mula sa paniningil ng pautang nang harangin ng suspek na sakay rin ng motorsiklo sa gilid ng NIA road bandang alas-4:30 ng hapon.
Gayunman, walang nagawa ang biktima kundi ibigay ang kanyang sling bag makaraang tutukan siya ng baril ng suspek bago tumakas patungo sa direksiyon ng Barangay malagasang 2D.
Agad na humingi ng tulong si Singh sa pulisya na nakatalaga sa Police Outpost 5 ng Imus City na silang rumesponde para tugisin ang suspek.
Imbes na sumuko ay nakipagbarilan ang suspek sa mga awtoridad hanggang sa mapatay kung saan narekober ang isang cal. 45 pistol na may tatlong bala, 3 cellular phones at sling bag ng biktima. MHAR BASCO
Comments are closed.