SHOOTOUT SA COMPUTER SHOP, DALAWA NAPURUHAN

patay

ANTIQUE – DALAWA katao ang nasawi habang apat na iba pa kabilang ang dalawang pulis ang nasugatan sa naganap na shootout sa Barangay Atabay, San Jose sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ng San Jose Municipal Police Station ang mga napaslang na sina Erwin James Checa, may-ari ng computer shop at ang kasambahay na si Anna Cleto, habang arestado naman ang sugatang suspek sa pamamaril.

Kabilang naman sa apat na nasugatan  sina P/ Staff  Sgt. Cyril Valdevieso at P/Staff Sgt. Albert Talidong na kapwa miyembro ng San Jose Municipal Police Station; Stephen Checa, na correspondent ng isang local newspaper, at ang suspek na si Venom Dio Mangilaya.

Nabatid na sumugod ang mga pulis sa nasabing computer shop matapos makatanggap ng tawag hinggil sa nagaganap na pamamaril sa internet cafe.

Pagsapit sa lugar ay tinangka ng mga pulis na dakpin ang suspek kaya nagkaroon ng palitan ng putok.

Sinubukan pang tumakas ng sugatang suspek suba­lit nadakip din ito ng mga humabol na pulis.

Agad namang itinakbo  sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan kabilang na ang suspek at dalawang pulis. VERLIN RUIZ

Comments are closed.