SHORTAGE SA MGA GAMOT ITINANGGI NG DOH

ITINANGGI ng Department of Health (DOH) na nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng Paracetamol at iba pang gamot para sa flu-like symptoms sa malalaking drugstore.

Kumakalat ang mga ulat na wala nang mabiling supply ng mga gamot sa sipon, ubo at trangkaso dahil sa mataas ang demand nito sa ngayon.

“The DOH would like to assure the public that while there is an observed increased demand for such products, there is no ongoing shortage in the Philippines,” ayon sa kagawaran.

Sinabi pa ng DOH na maraming generic alternatives ang Paracetamol sa merkado, na maaring mabili sa mga drugstore sa bansa.

Siniguro ng kagawaran na tinututukan nila ang estado ng suplay ng critical medicines para sa COVID-19, kasama ang supportive medicines para sa symptomatic treatment.

Dagdag nito, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, tulad ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Trade and Industry (DTI), upang masiguro ang health products para sa pagresponde sa gitna ng pandemya.

Apela naman ng DOH sa publiko, iwasan ang hoarding, panic-buying o pagbili ng gamot kung hindi naman kinakailangan.