SHOW CAUSE ORDER IKINASA VS SUV DRIVER SA VALENZUELA ROAD RAGE

NAGPALABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) sa may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa isa pang road rage incident sa Valenzuela City noong Agosto 19.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang may-ari ng sasakyan ay nakarehistro isang babaeng residente ng Bulacan at kaya inisyuhan ito ng SCO ay upang matukoy kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente ng gun-toting sa Barangay Bignay sa Valenzuela City.

“Gusto nating malaman kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan na ito noong mangyari ang insidente. Gusto rin nating malaman kung nabenta na ba ang sasakyan na ito o nahiram lang,” ayon kay Mendoza.

Sa video, nakunan ang isang lalaki na lumabas ng kanyang sasakyan na may dalang baril at kinargahan ng bala sa harap ng isa pang motorista na kanyang nakagitgitan.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO-National Capital Region Director Roque Verzosa III, ang rehistradong may-ari ay hiniling na humarap sa Setyembre 14 upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan para sa mga pagkakasala.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 48 ng Republic Act 4136 (Reckless Driving); Section 27 ng RA 4136 (Improper Person to Operate Motor Vehicles) at Section 54 ng RA 4136 (Obstruction of Traffic).

Sinabi pa ni Mendoza na habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, ay pinatawan ng 90-araw na suspensiyon ang SUV na may plakang NBB 3135. BENEDICT ABAYGAR, JR.