Una sa lahat, kaisa ako sa kumokondena sa hindi magandang nangyari sa aktor na si Sandro Muhlach. Ito ay ang umano’y seksuwal na pang-aabuso, panghahalay at panlilinlang ng dalawang TV executive kay Sandro ilang linggo na ang nakararaan. Isa ito sa mga maiinit na balita sa industriya ng showbiz. Para sa akin, dapat lamang na kasuhan sa korte ang dalawang iyan.
Subalit, pwede ba? Huwag na sana gamitin ang Senado bilang isang plataporma ng ilang senador sa kasong ito! Kung ating obserbahan ang patuloy na pagdinig ng Senate committee on public information and mass media ay nagmistulang “showbiz” na ang dating ay paulit-ulit na dinidikdik ang dalawang akusado na sina Jojo Nones at Richard Cruz tungkol sa isyung pang-aabuso sa batang aktor. Ok na po. Gets na nating lahat. Malinaw na ang kasong panghahalay. Kailangan pa bang pahabain ang pagdinig dito?
Sa totoo lang, mas mainam pang maghain ng kaso ang pamilya nina Muhlach sa korte upang makamit ang hustisya. Ang makukuha lamang ng pamilya Muhlach sa Senado ay hindi hustisya kundi panghihiya. Pagkatapos ng pagdinig sa kasong ito ng mga magigiting at matatalinong senador tulad nina Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Bong Revilla at Lito Lapid; ano ang magiging resulta nito? Rekomendasyon “in aid of legislation”? Ano naman ang maaaring idadagdag ng mga senador sa kasalukuyang batas laban sa rape, sexual harassment?
Ayon sa ating batas, isang heinous crime ang maaaring patawan ng pagkabilanggo ng habang buhay o ‘reclusion perpetua’ ang panggagahasa laban sa babae. Kasama rin sa ating batas ang panggagahasa laban sa lalaki sa pamamagitan ng ‘sexual assault’ na may pagkabilanggo ng anim hanggang labing dalawang taon. Naamyendahan kasi ang ating Revised Penal Code of 1930 noong 1997. Isinama na rin ang panghahalay laban sa lalaki.
Kaya ano pa ang maaaring irekomenda ng ating mga artistang senador dito? Dagdagan ng taon ang pagkabilanggo? Hindi sa minamaliit ko ang malagim na nangyari kay Sandro. Subalit ang nangyari sa kanya ay hindi na bago. Kaya nga naamyendahan ang ating 1930 Revised Penal Code at isinama na ang panghahalay sa lalaki dahil sa tumataas na kaso ng panghahalay sa lalaki.
Tila nasasayang lang ang pera ng taumbayan dito kapag ipagpapatuloy pa ang pagdinig na ito. Nakamit na ng mga Muhlach ang gusto nilang mangyari kina Cruz at Nones na mapahiya sila sa publiko sa pamamagitan ng mga kaalyado nilang mga artista sa Senado. Para sa akin, mas mahalaga ang makamit nila ang hustisya kaysa sa panghihiya.