Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – San Miguel vs Meralco
(Game 1, best-of-7 finals series)
MAKUHA na kaya ng Meralco ang breakthrough crown? O magpatuloy ang paghahari ng San Miguel Beer?
Ang mga ito ay bibigyang kasagutan sa pagsisimula ng PBA Season 48 Philippine Cup title showdown sa pagitan ng Bolts at ng Beermen ngayong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang Game 1 sa alas-7:30 ng gabi.
Ang Bolts, tumutugon sa coaching combination nina coach Luigi Trillo at active consultant Nenad Vucinic, ang latest challengers sa dominant champs Beermen, na sasabak sa ‘giyera’ na bitbit ang kanilang defensive mindset.
Maaaring iyan lamang ang kanilang tsansa para malabanan ang lahat ng offensive weapons ng San Miguel Beer na pangungunahan nina June Mar Fajardo to CJ Perez, Terrence Romeo, Marcio Lassiter, Jericho Cruz, at Chris Ross.
Sa lahat ng kanilang tagumpay, ang Beermen ay determinadong makuha ang special feat — ang Philippine Cup title repeat, Season 48 sweep at 30th overall crown sa kasaysayan ng prangkisa.
Samantala, ang Meralco ay isang gutom na koponan na nagtatangka sa kanilang unang korona magmula nang sumali sa liga noong 2010.
Kaya naman inaasahan ang umaatikabong bakbakan sa fitting highlight sa season-ending tourney.
Sa kabila ng bentahe ng San Miguel sa firepower, umaasa ang Bolts na magkakaroon sila ng magandang tsansa na masikwat ang korona.
At hindi minamaliit ng Beermen ang tsansa ng Bolts dahil minsan silang tinalo nito, 95-92, sa kanilang elims game noong nakaraang Mayo 4 sa Batangas City.
Nangangamba si coach Jorge Gallent na maaaring makasama sa kanila ang 11-araw na pahinga.
“I’m scared that we might be rusty,” sabi ni Gallent na ang tropa ay nakakuha ng extended break sa kanilang four-game sweep sa Rain or Shine.
Handa naman ang Bolts na samantalahin ang pagkakataon, umaasang masungkit ang mailap na korona matapos ang apat na bigong pagtatangka sa showdowns kontra Barangay Ginebra Kings.
“Second place doesn’t mean anything at this point,” sabi ni Trillo, isang one-time champion coach sa Alaska Milk Aces.
CLYDE MARIANO