SI BBM AT ANG CAVITE

SOBRA ang saya na naramdaman ng mga Caviteño nang makita nila nang personal ang kanilang pambato na si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nang magsagawa ito ng caravan sa lalawigan nitong Biyernes.

Nagsimula ang caravan sa Suntrust Ecotown, Brgy. Sahud Ulan, Tanza, Cavite, kung saan unang binaybay ni Marcos, kasama sina Cavite 7th District Representative Boying Remulla at Governor Jonvic Remulla, ang mahabang kalsada na nagdudugtong sa Brgy. Sahud Ulan sa Brgy. Daang Amaya.

Habang tumatakbo ang sinasakyan ni Marcos ay kapansin-pansin na dumarami ang mga nag-aabang sa mga kalsada, panandaliang nahinto ang mga ilang manggagawa sa kanilang ginagawa nang malaman na si Marcos ang nasa caravan.

At sa isang iglap ay bigla na lang nadagdagan ang bilang ng mga taong naghihintay sa bawat kalsada at kanto para lamang makita, makamayan at makunan ng larawan si Marcos, ang iba ay nagpa-autograph din.

Dumadagundong din ang hiyawan na “BBM! Marcos pa rin!” na may kasama pang peace sign na siyang simbolong hand signal ng UniTeam.

Kabila-kabila rin ang mga tarpaulin at mga maliliit na watawat na iwinawagayway ng mga Caviteño sa bawat lugar na nadaraanan ng caravan.

Si Imelda Martinez, sakay ng kanyang karag-karag na bisikleta, ay hindi naman nagpahuli, itinali ang tarpaulin na may mukha ni Marcos sa isang kawayan at nakipagsabayan sa mga motorcycle rider.

“Bukod sa Imelda ang pangalan ko, mahal ko si BBM, naniniwala ako na siya lang ang may kakayahan na pamunuan ang bansa, ngayon pa lang ramdam ko na ito, solid BBM,” sigaw ni Imelda habang nagpapadyak.

Sumabay rin sa sigawan ang mga malalaking truck at ibang sasakyan na nakatono ang pagbusina sa pagsigaw ng mga tao ng “BBM! BBM!” habang may mga naglabas din ng megaphone, ilang mga bahay rin ang naghanda ng speaker sa kanilang harapan habang tumutugtog ang “Bagong Lipunan.”

Pansamantalang nagpahinga sa Bayleaf Hotel, sa Gen. Trias City ang kampo ni Marcos kasama ang ibang kalahok ng UniTeam, nagkaroon ng maikling salo-salo na dinaluhan ng mahigit 20 alkalde at iba pang opisyal ng bawat lungsod sa Cavite.

Sa pagpupulong na iyon ay opisyal na ring inendorso ni Cavite Gov. Jonvic Remulla ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), nangakong 100 % ang kanilang suporta sa BBM-Sara UniTeam at ang 800,000 na boto ng mga Caviteño.

Pagdating ng bandang ala-una ay balik kalsada ang caravan at muling sinuyod ang ilang bahagi pa ng Cavite, hindi pa man nakakalayo sa Bayleaf Hotel ay dinumog na ng mga nagmamahal kay Marcos ang ilang daanan dahil sa sabik na masilayan ang kanilang future president.

Hindi nagpatinag sa init ng araw, hindi pinansin ang alikabok na hatid ng kalsada, nagbingi-bingihan sa ingay ng mga busina, iyan ang ilan sa mga binalewala ng mga taong (Caviteño) tunay na nagmamahal kay Apo Lakay (Marcos).

At dahil sa galak ay hindi naman napigilan ng ilang taga-suporta ang maiyak, habang pinagmamasdan si Marcos.

“Ramdam na ramdam ko ‘yung pagmamahal ng tao kay BBM, natutuwa ako na sa kabila ng paninira ng iba sa kanya ang bait niya pa rin, ‘yan ang presidente ko, panalo na tayo, I love you BBM,” wika ng isang residente.

Ibang klase ring suporta ang ipinakita ni Lolo Rolly na naka-wheelchair na lumabas pa ng kanilang bahay para masilayan si Marcos, gano’n din si Ado na putol ang dalawang paa at nakasakay lamang sa isang kahoy na may gulong, todo hiyaw rin sa pangalan ni BBM.

Hanggang sa dulo ng caravan ay hindi pa rin magkamayaw ang mga tao, sinigurado nila na makikita nila si Marcos para maipahayag ang suporta sa kanya.

Kung susumahin, higit-kumulang sa isang milyong tao ang naghintay at nag-abang kay Marcos, dagdag pa ang mga libong sasakyan na sumama sa caravan na kinabibilangan ng mga kotse, motorsiklo at bisikleta.

Nagtapos naman ang caravan sa NIA Road.