SI CHARLES DARWIN AT ARTIFICIAL INTELLIGENCE

(Pagpapatuloy…)
Bukod sa preparasyon at pagsabay na dapat gawin ng mga manlilikha upang manatiling in-demand, malaki ang papel na ginagampanan ng pamahalaan at mga organisasyon upang masigurong makakatulong ang teknolohiya imbes na makasama ito.

Kailangang pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mga isyung kaugnay ng paggamit ng AI upang makapaglabas ang pamahalaan ng mga polisiya para sa lahat ng sangkot sa usapin. Lumitaw rin sa naturang forum na maaaring hindi pa maaaring i-regulate ang espasyong ito sa panahong ito sapagkat iyong mga bansa nga sa labas ng Pilipinas ay nalilito rin tungkol sa maraming bagay na kaugnay ng AI. Ngunit, hindi pwedeng gawing dahilan ito upang hindi kumilos ang mga kinauukulan.

Bilang halimbawa, tingnan natin ang mga nagwelgang manunulat ng Writers Guild of America (WGA). Bukod sa mga kahilingan tungkol sa mas mataas na bayad at mas mabuting kondisyon ng paggawa, isa sa kanilang mga hiling ay ang pagkakaroon ng limitasyon sa paggamit ng AI upang hindi mabawasan ang mga oportunidad para sa kanila.

Dahil walang malakas na alyansa ng mga manggagawang manlilikha dito sa atin, ang mga trabahador dito ay hindi handang harapin ang mga ganitong isyu kung sakaling mangyari ito dito sa Pilipinas. Isang bagay na hindi naman malayong maganap. Kaya naman, kailangang masuportahan ng pamahalaan, ng industriya, at ng mga manlilikha mismo ang mga samahang kagaya ng mga guilds, associaitons, at mga coalitions.

Kailangang magkaisa ang mga manlilikhang manggagawa upang palakasin ang kanilang hanay para naman maprotektahan nila ang bawat isa at ang kanilang kabuhayan. Hindi maiiwasan ang paglaganap ng AI, kaya’t mas mabuting maghanda para dito kaysa manatili sa nakagawian. Ayon nga kay Charles Darwin, hindi ang pinakamalakas o pinakamatalino ang iiral, kundi yaong may kakayahang sumabay sa mga pagbabago.