KAMAKAILAN ay nagkaroon ng isang forum tungkol sa Artificial Intelligence (AI) sa Blackbox Theater ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP). Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng 2023 PEN Philippines Congress. Ang naturang forum ay tumalakay sa mga epekto ng AI sa ating mga manunulat—sa panitikan man o sa komersiyal na larangan—at pati na rin sa ating mga mag-aaral.
Ang reklamo ng mga guro at propesor ay mas marami na umanong mga estudyante ngayon ang umaasa sa tulong ng AI para sa kanilang mga gawain sa eskwela. Imposible umano itong mabantayan nang lubos, sabi ng isang panelist sa forum. Nababawasan ang integridad ng gawa o trabaho dahil sa AI, at pinapalaganap din nito ang katamaran, maling impormasyon, at mababang kalidad ng output.
Karamihan naman sa mga manunulat ng literatura o panitikan ay hindi gumagamit ng AI, maliban na lamang sa ilan na gumagamit nito para sa copyediting at pananaliksik.
Ang pinakamalaking epekto ay nararamdaman ng mga tinatawag na commercial writers, o iyong mga umaasa sa pagsusulat para kumita o bilang hanapbuhay. Marami nang mga kliyente ang nagtanggal ng manunulat na tao at mas piniling gumamit na lamang ng robot (AI) dahil mas mabilis umano ito at mas maliit din ang gastos para rito.
Hindi masyadong mabusisi tungkol sa kalidad ng gawa ang mga kliyenteng nabanggit, dahil ang AI-generated na output ay kadalasang may kakulangan sa ilang mga aspeto kumpara sa ginawa ng tao. Bukod pa rito, simple lamang ang pangangailangan ng mga kliyenteng ito, mga gawang kayang iutos sa AI at ‘di na kailangan ng tinatawag na human touch. Gayunpaman, tunay at seryoso ang banta ng pagkawala ng trabaho dahil sa AI.
(Itutuloy…)