DOBLENG dagok ang kinalaban ni Ching, Tsinoy na taho vendor, 48-anyos, may asawa at may apar na anak.
Nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong bansa upang pigilan ang COVID-19 pandemic noong Marso, labis ang pangamba ni Ching.
Paano sila makakaraos?
Napatingin siya sa kaniyang mag-iina na natutulog sa sahig.
Sa isang shanty o barong-barong lamang sila nakatira at paglalako ng taho ang kanilang ikinabubuhay at dahil ECQ, pansamantalang nagsara ang pagawaan ng taho.
Salamat na lamang sa barangay at sa Department of Social Welfare Development dahil nairaos nila ang pambili ng pagkain sa panahon na pigil ang kilos ang paglabas ng bahay.
Subalit hindi lang kakapusan sa pagkain at paglabas ang problema ni Ching o Carlos Uy, kundi diskriminasyon.
Kahit sa Filipinas na siya isinilang at ugaling Pinoy dahil ang kaniyang ina ay Pinay hindi makakaila sa kanyang mata, kutis at kulay na isa siyang Tsino.
At sa kasagsagan ng takot sa COVID-19, umusbong ang galit para sa kaniyang kalahi.
Tanggap ni Ching ang tingin sa kaniya ng lipunan. Iskwater na Tsinoy.
Subalit ang nagpahirap sa kaniyang loob ay maging ang kaniyang mga anak ay nakaranas ng diskriminasyon.
Sadyang kahit silip mula sa kanilang barong-barong ay hindi magawa ng anak niya dahil masamang tingin ang nararanasan.
Sinabi na lang ni Ching na huwag pansinin at tinuruan ang mga anak na magtimpi, makisamang mabuti at magdasal palagi.
Bukod sa walang hanapbuhay, araw-araw na nag-iisip si Ching at mabuti ay mayroon silang asosasyon ng Tsinoy sa Binondo,Maynila at nagtulungan kung paano makakapaghanapbuhay.
Dahil maaari namang magtinda ng pagkain, kamoteng dilaw ang inilako ni Ching.
Kaya nairaos niya ang pamilya hanggang Hulyo at nang magbukas ang pagawaab ng taho noong Agosto ay nakabalik sa pagiging taho vendor si Ching.
Sinabayan na rin niya ng pagtitinda ng kamoteng dilaw kapag nakaubos ng taho hanggang tanghali.
Sinabi ni Ching na nagpapasalamat siya sa mga tumulong sa kanila sa panahong tila wala na silang masulingan.
Mahalaga aniya na sa panahon ng kagipitan ay manaig pa rin ang pagpapakatao at kumapit sa Maykapal. EUNICE C.
Comments are closed.