MATIKAS si Royina Garma ng PCSO. Sabihin mang babae si kernel at nagmula sa crime detection at investigation group ng kapulisan bago naging general manager ng lottery agency ng gobyerno.
Pero ang exposure n’ya sa mga nangyayaring krimen at katiwalian sa lipunan ay malamang na hindi mapapantayan ng isang ‘mandirigma.’
Kasi, nakasalamuha na n’ya, Suki, ang iba’t-ibang klase ng matino’t mandarambong na personalidad dahil sa tinatawag na ‘call of duty.’
Bago naging hepe ng kapulisan sa Cebu si GM Royina ay kabilang siya sa ‘elite team’ ng CIDG-Region 7. Doon nahasa ang pakikihalubilo n’ya sa mga taong nagpapatakbo ng Small Town Lotteries. Siya kasi, Suki, ang madalas sumbungan ng mga lehitimong AACs, o STL operators, dahil sa pambabalasubas ng ilang tiwaling alkalde sa lalawigan ng Cebu na gamit ang Peryahan ng Bayan bilang prente ng ilegal na masiao. At doon ko po nakaharap sa isang simpleng tanghalian sa isang otel sa Mandaue City ang ‘maginoong’ kernel… na alam kong isang araw ay magpapayanig sa mga tinatawag ng Pangulo na mga ‘buang’ sa sektor ng loterya.
oOo
Duda ko lang, Suki, na si GM Royina ang nasa likod ng biglaang utos ng Presidente na isara ang lahat na palaro ng PCSO… dahil sa korupsiyon.
Matinding korupsiyon sa PCSO.
Dahil siya ang huling nagpulso sa mga nagaganap sa sektor ng STL operators bago ang paghayag ni Boss Digong sa social media na… tigil lahat!
Pinulong n’ya, Suki, nang halos buong maghapon ang mga kinatawan ng STL operators upang ayusin ang gusot at masalimuot na isyu ng kontrata at pagkakautang nila sa PCSO.
At ilang oras lang ang nakalipas ay ang pahayag ni Boss Digong na itigil ang mga laro ng lotto, STL, Keno at maging ang Peryahan ng Bayan.
Malamang na si GM Royina ang unang naghayag kay Boss Digong tungkol sa lawak ng katiwalian sa loob at labas ng lottery agency… na pinaniwalaan ng pangulo ng republika.
Obyus, Suki, na ‘di pa katapusan ng mundo para sa mga ‘nakanganga’ na libo-libong empleyado ng loterya ang pahayag ng Pangulo… kasi nais lang n’yang masawata ang korupsiyon sa loob ng PCSO. Derpor, suporta ng taumbayan, Suki, ang kailangan ni Boss Digong. At ni GM Royina.
Comments are closed.