SI GOV. PINEDA AT ANG NANAY PARTYLIST

LUBOS ang pasasalamat ng 1,400 na residente ng Sta. Ana, Pampanga sa tulong na kanilang natanggap mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa pakikipagtulu­ngan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, sa pangunguna ni Governor Dennis “Delta” Pineda, muling nabigyan ng pag-asa ang maraming pamilya sa gitna ng hamon ng kawalan ng trabaho.

Sa ngalan ni Gov. Delta, pinangunahan nina Vice Governor Lilia “Nanay” Pineda at Sta. Ana Mayor Ross Gamboa ang pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo. Sa bawat isa sa kanila, ang tig-P5,000 na natanggap ay hindi lamang pinansiyal na suporta kundi isang simbolo ng malasakit at pagkalinga ng pamahalaan.

Ang TUPAD program ay nagiging tulay ng pag-asa para sa mga Pilipinong nahaharap sa kawalan ng hanapbuhay, lalo na sa mga panahong maraming kababayan ang lubhang nanga­ngailangan. Sa patuloy na pagsuporta ng DOLE at lokal na pamahalaan, naipadadama sa mga mamamayan na sila ay hindi nag-iisa sa kanilang laban para sa mas maayos na kinabukasan.

Samantala, ma­tinding hamon ang kinakaharap ng mga residente ng Brgy. Malaban, Biñan, Laguna dahil sa malawakang pagbaha dulot ng nakaraang Bagyong Kristine. Sa kabila ng pag-alis ng bagyo, nananatiling mataas ang lebel ng tubig sa lugar, na nagpapahirap sa mga residente na lumabas ng kanilang mga tahanan.

Umabot hanggang baywang o dibdib ang taas ng baha sa ilang lugar, dahilan upang maapektuhan ang kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga bangka, kinakailangan pa rin ng pera para makalabas, lalo na sa sitwasyong hindi pa humuhupa ang tubig.

Upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga residente, pinangunahan ni Florabel Co-Yatco, unang nominee ng Nanay Partylist, ang pamamahagi ng tulong sa higit 2,000 residente ng Brgy. Malaban.

Kasama ang mga volunteers, nagdala sila ng tubig, tinapay, gamot, vitamins, at damit— mga pangunahing panga­ngailangan upang matulungan ang mga apektadong pamilya.

Hindi lamang sa Brgy. Malaban naghatid ng tulong ang Nanay Partylist. Sa iba pang barangay ng Laguna na naapektuhan ng pagbaha, namahagi rin sila ng gatas, lugaw, vitamins, at damit para sa mahigit 2,000 residente.

“Ang goal talaga ng mga nanay ay alagaan ang kalusugan ng pamilya. Kapag malusog sina nanay, nagi­ging maayos ang buong tahanan. Andito ang Nanay Partylist para alagaan ang kalusugan ng bawat nanay at kanilang pamilya,” ani Yatco.

Sa panahon ng krisis, naging ilaw ng tahanan at buong komunidad ang Nanay Partylist—isang simbolo ng malasakit, pagkalinga, at pag-asa para sa mga pamilyang Pilipino.