MAGANDA ang alok ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Gng. Leni Robredo. Maaari siyang makatulong kung totoong may solusyon siya sa war on drugs.
Pihadong natutuwa ang mamamayang Filipino na nagsisilbing saksi kung tunay na minamahalaga ni Robredo ang pagkakaisa kaysa sa dikta ng partido para sa pagkakawatak-watak.
Napakaganda naman talaga kung magiging matulungin si Robredo imbes na maging balakid sa mithiin ng sambayanang Filipino.
Marahil may pressure rin siya na nagmumula sa kanyang political party kung kaya’t bumabalanse rin siya para mapanatili ang puwersa ng partido.
Ngunit narito at may alok na ang Malakanyang sa kanya sa makasaysayang sandaling ito sa buhay ng ating bansa, pagkakataon na ng Filipinas para sa tunay na pagbabago at maisulong ang mga programa at proyektong tumutugon sa mga mithiin ng bawat isang Filipino lalong-lalo na sa pagsawata sa droga.
Huwag sanang aksayahin ni Leni ang bagong hamong kanyang tama namang tinanggap, inaasahan ng taumbayan ang kanyang pakikiisa upang masolusyunan na ang salot na ibig bumalot sa bansa at gawing narco-country ang Filipinas.
Comments are closed.