“MAHIRAP ang walang pinag-aralan. Hindi makabasa o sumulat man lamang…”
Hindi hadlang ang katandaan para makapagtapos ng pag-aaral. Si Antonio Abeledo, 60 taong gulang, may asawa at tatlong anak na nakatira sa Barangay Wawa 3, isang mangangalakal at isa ring estudyante sa elementarya. Kilala siya sa tawag na “Lolo Antonio”.
Sa unang tingin kay Lolo Antonio, hindi mo iisiping isang estudyante pala ito sa elementarya. Aakalain mong isa siyang trabahador o manggagawa sa paaralan. Iisiping baka naghahatid lamang siya ng kanyang apo o baka inutusan lang na sumundo ng bata.
Subalit ang pag-aakala ay mali sa unang tingin. Ang katotohanan ay kasalukuyan siyang nag-aaral at nagnanais na makapagtapos sa kabila nang paghahabol ng oras at panahon.
Lumipas ang maraming oras noon sa kanyang buhay, tila ang pag-aaral ay kanyang nakalimutan. Nagkaroon siya ng asawa at mga anak. Ngayon, pinagsasabay nito ang trabaho bilang mangangalakal at mag-aaral.
Napagtanto niyang ang edukasyon ang sandata ng buhay para sa kinabukasan. “Mahirap ang walang pinag-aralan. Hindi makabasa o sumulat man lamang,” wika ni Lolo Antonio.
Mahalaga ang edukasyon sapagkat ito ang nagiging daan sa isang tao upang magkaroon ng mga kaalaman tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at komunidad na ginagalawan. Humuhubog sa kaisipan tungo sa isang matagumpay na mundo na kailangan ng bawat isa upang lubusang mapakinabangan ang daigdig at malaman ang mga layunin nito.
Para kay Lolo Antonio, hindi pa huli ang lahat. Malakas pa siya’t kaya pang makipagsabayan sa mga kabataan.
Ang pagkakataon diumano na makapag-aral sa kabila ng katandaan ay gagamitin niyang paraan upang maging inspirasyon ng iba.
Samantala, nakaagapay ang Cebuana Lhuillier Foundation katuwang ang lokal na pamahalaan ng Rosario para sa pangarap ni Lolo Antonio. SID LUNA SAMANIEGO