Si Malakas, Si Maganda at ang Kulturang Filipino

“Ang buhay ay parang karagatan.
Minsa’y puno ng along dumadaluyong,
Minsa’y kalmado at tahimik.
Sa huli, maalon man o walang imik,
Ang buhay ay laging kay rikit.” – RLVN

Ito ay kwento ng mitolohiyang Filipino, kung saan ipinakita kung paano nalikha ang mahigit 7,100 islang bumubuo sa Pilipinas,  at kung paano rin nagkaroon ng lahing kayumanggi.

Malakas ang pangalan ng unang tao sa mundo at Maganda naman ang pangalan ng unang babae. Parang Eba at Adan. Ang kaibahan  lamang, sa Bibliya, si Adan ay unang nilikha ng Diyos at si Eba naman ay hinugot lamang sa kanyang tadyang upang makasama niya dahil siya ay nalulungkot.

Sa kaso ni Malakas at Maganda, sabay silang lumabas sa buho — na nangangahulugan ng pagkakapantay ng kanilang kahalagahanan bilang tao. Iisa ang kawayang pinagmulan nila na nabiyak dahil tinuka ng ibon, at sabay nilang nasilayan ang kagandahan ng mundo.

Ayon sa kwento, isang araw daw ay may isang ibong pagal na pagal sa paglipad dahil walang madapuan, ang patuloy na naglalayag sa ibabaw ng karagatan. Dahil dito, naisipan ng matalinong ibon na pag-awayin ang langit at dagat para mayroon siyang mapaglibangan.

Hinagisan ng tubig ng dagat ang langit, at bilang ganti, binagsakan naman ng langit ang dagat ng mga bato at lupa, na lumikha ng napakaraming nagkalat na isla.

Sa ganoong paraan nabuo ang Las Islas de Felipinas. Sa wakas ay nakapagpahinga rin sa pag­lipad ang ibon.

Makalipas ang ilang panahon,  tumubo ang mga halaman sa mga isla, kabilang na ang kawayan. Isang araw, narinig ng ibon ang tunog mula sa loob ng isang malaking buho. Upang malaman kung ano ang nasa loob, tinuka niya ito hanggang sa mabiyak.

At ang laman nga nito ay sina Malakas at Maganda. Sila mismo ang nagpangalan sa kanilang sarili.

Ngunit may mas malalim pa itong kahulugan kaugnay ng kulturang Filipino. Ang lalaki ay malakas at maaasahan ng pamilya. Ang babae naman ay maganda, malambing at malambot ang puso. Sa pagkabiyak ng kawayan, ipinakita ang kapantayan ng kahalagahan ng babae at lalaki, na sa totoo lamang, ay sinusunod ng mga Filipino bago pa dumating ang mga Kastila.

Sa panahon ng mga datu at rajah, kapwa tinuturuan ang babae at lalaki nilang anak sa pakiki­paglaban, lalo na ang mga panganay na siyang magmamana ng trono. Take note, kahit babae ay pwedeng magmana ng trono. Ang mga binukot, o prin­sesang hindi pinatutuntong sa lupa, ay iyon lamang mga sumunod sa panganay na anak, at nakatakdang ipakasal sa pinuno naman ng iba pang tribo.

Sa kwento ni Malakas at Maganda, ipinakikitang ang tao, gaano man kabuti, ay maaaring magkamali paminsan-minsan dahil tao lamang sila.

Inilalarawan na ang mundo noon ay madilim at isang malawak na kalawakan, hanggang sa ikinumpas ng Panginoon ang kanyang kamay at nagkaroon ng mundo na may mga halaman at hayop.

Nang natuktok ng ibon ang kawayan ay lumabas sina Malakas at Maganda.

Dinala ang dalawa sa Perlas ng Dagat Sila­ngan kung saan sila namuhay bilang mag-asawa na pinagmulan ng lahing kayumanggi.

Nenet Villafania