SI NOYNOY HINTUTURO

MASAlamin

SI NOYNOY na hintuturo ay hilig magtuturo, heto at itinuturo ang Palasyo na siyang nasa likod daw ng mga kasong kinakaharap niya ukol sa Dengvaxia na kagagawan naman niya.

Tunay naman ka­sing tumitining at lumi­linaw ang pananagutan ng gang ni Noynoy sa pagkakainiksiyon sa may 837,000 batang Pilipino ng peligrosong Dengvaxia experimental vaccine.

Ayon sa imbestigas­yon sa Senado: 1) Alam na ng mga nagsabwatan na may ebidensiya na delikado ang Dengvaxia sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago pa man pinilit na isyuhan ito ng Certificate of Product Registration ng Food and Drug Administration na kontrolado ni Garin, 2) Ang Phase 3 trial ng Dengvaxia ay hindi pa tapos kung kaya malinaw na isinugal ang buhay ng ating mga kababayan para sa sariling kadahilanan ng gang ni Noynoy, 3) Mahiwagang hindi lumalabas sa mga local analyses ang mga ebidensiya na nakasasama ito sa mga seronegative, at 4) Ang World Health Organization ay hindi dapat inirekomenda ang Dengvaxia maging sa mga lugar na may high prevalence ng dengue.

Inamin na rin naman ng kompanyang manufacturer ng Dengvaxia na bagama’t huli na, na nakasasama ang Dengvaxia para sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue. Kaya sa pag-aming ito, ang lahat ng nagkakasakit at namatay na mga sero­negative ay kagagawan ng Dengvaxia, malinaw ‘yan hindi na kailangan pang palalimin pa ang imbestigasyon.

Sa mismong salita na lamang ng manufacturer ay swak na sa korte ang mga ito at ang kanilang mga kinasabwat sa pamahalaan upang mapadali ang pagtuturok nito sa mga batang Pilipino.

Sinabi na rin ng ekspertong si Dr. Scott Halstead na napagsabihan na ang manufacturer ng Dengvaxia sa maaaring health disaster nito sa bansa ngunit itinuloy pa rin at nakamamangha ang dami ng mga pinagtuturukan.

Ngayon na sunod-sunod na mga bata ang nangamamatay ay nine­nerbyos ang mahigit sa 800,000 pamilyang Pilipino. Ang hinihintay ng taumbayan ay ang pagpapanagot sa batas ng mga dapat managot mula sa pamahalaan at Sanofi, at bukod sa ibalik ang pondo ng pamahalaan ay bayaran ang mga danyos perwisyo na idinulot nito sa bawat apektadong pamilyang Pilipino na naulila at iba naman ay hindi mapagkatulog sa pag-aalala para sa kani-kanilang mga kaanak. Hindi mababayaran ang katiwasayan, lalo’t ibayong ligalig at kawalan ng kapayapaan ang dinala ng Dengvaxia sa higit 800,000 tahanan sa bansa.

Alam na ng taumba­yan na ang manufacturer ng Dengvaxia ay ni hindi man lamang binigyan ng lisensiya ng European Medicines Agency (EMA) kung nasaan pa man din ang headquarters nito na binisita ni Noynoy noong Disyembre 2015, ilang araw bago minada­ling bigyan ng Certification of Product Registration (CPR) ng Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing experimental vaccine.

Alam na rin ng taumbayan na ang ginamit para sa bentahan ng Dengvaxia ay isang iully foreign-owned company at ito ay mahigpit na ipinagbaba­wal ng batas. Dahil alam ng mga nagsabwatan dito na maaari silang sumabit dahil dito e inalabas na joint venture ito, ngunit sabit pa rin dahil wala namang joint venture license pala, so diskuwalipikado pa rin dapat.

Alam na rin ng taumbayan na kulang ang track-record ng nango­ngontratang kompanya sa gobyerno para sa Dengvaxia, at lumalabag sa RA 9184 kung saan ang bidder ay nararapat na may 50% na accomplished na kontrata sa pamahalaan sa halagang ibinibid, ngunit lumalabas na wala sa P1.5 bilyon pa ang kanilang nakokontrata sa gobyerno, at sa pagkakasabi nila sa Kongreso ay nasa P400 milyon lamang. So, diskuwalipikado pa rin.

Ngayon nagpa-bidding sila nang Enero 2016 para sa Dengvaxia na tanging ang kuwestiyonableng kompanya lamang ang mayroon ng nasabing produkto., dahil may pondo na ito, Dec. 29, 2015 ay may Special Allotment Release Order (SARO) na para sa halagang P3 bilyon para sa Dengvaxia at early January 2016 ay may delivery na ng mga vials ng Dengvaxia, at saka bago nagbiding-bidingan.

Pebrero naman ay inilunsad na ni dating DOH Sec. Garin na siya rin namang tumayong head ng FDA noong panahon na kailangang palusutin ang Dengvaxia, ang malawakang pagtuturok ng Dengvaxia sa mga musmos na ang target ay nasa isang milyong mga bata.

Sige, Noynoy, turo pa, Boy Turo.

Comments are closed.