(Ni CHE SARIGUMBA)
TAONG 2009 nang makilala ko si National Artist Virgilio S. Almario. Naimbitahan kami noong magtungo sa bahay niya sa Bulacan para makisaya sa kanyang kaarawan. Hindi mabilang ang nagtungong mga manunu-lat. Nang mga panahong iyon din ay nahuhumaling ako sa mga tula—sa kanyang mga tula. Kaya’t laking pasasalamat ko nang makaharap ko ang mismong awtor ng mga hinahangaan kong tula—at iyon nga si Vir-gilio S. Almario na kilala rin sa pangalang Rio Alma.
Libro, ang laging regalo ni sir Rio sa kanyang sarili tuwing kanyang kaarawan. Taon-taon ay sinisikap niyang makapaglabas ng bagong libro.
At ngayong taon nga, isang libro ng saliksik ang kanyang inilunsad na pinamagatang Bakit Kailangan natin si Pedro Bucaneg? Ang paglulunsad ay ginanap sa UP Vargas Museum.
SINO NGA BA SI PEDRO BUCANEG?
Ngunit sino nga ba si Pedro Bucaneg, at bakit ito ang ginamit na titulo ng awtor na si Almario sa kanyang bagong libro?
Si Pedro Bucaneg, ang sinasabing awtor ng unang bersiyon ng epikong Ilokanong Biag ni Lam-ang. Ngunit alamat lamang ito, ayon pa kay Almario dahil wala namang dokumentong nagpapatunay. Bukod pa rito, bulag si Bucaneg kaya’t marami ang nagdududa kung siya nga ang nagsulat ng unang bersiyon ng Lam-ang.
Nabuhay ito noong early 16th century sa Ilocos.
Ayon pa kay Almario, mahalaga si Bucaneg upang mabigyang linaw ang katutubong simula ng ating epikong-bayan at kulturang bayan sa kabuuan. Isa rin itong simbolikong mohon ng ating di-nakasulat na lumipas, ng sari-sari’t sinaunang malikhaing gawain ng ating mga ninuno bago ang panahon ng pananakop.
LAYON NG SALIKSIK
May dalawang panukalang tungkulin ang saliksik ng aklat na ito ni Almario, batay na rin sa nakasulat sa likuran ng libro.
Una nga rito ay ang wastong pananaw at oryentasyon upang higit na magiging kapaki-pakinabang sa Filipinas ang saliksik.
Kailangang siyasatin ang nakaraang paggunita sa pambansang kultura upang matiyak na mahalaga ang mga ito sa hinaharap.
Ikalawa, kailangang ihandog ang wastong pagsisiyasat sa pambansang gunita para sa kalayaan mismo ng paggunita.
Ang ibig sabihin kailangang gamitin ang saliksik tungo sa muling-pagkatha ng isang bansang Filipinas.
“Ang kabuluhan ng saliksik ay maituturo sa atin ang mga katutubong pamana na nagtataglay ng mapagpalayang birtud,” ayon pa kay National Art-ist for Literature Virgilio S. Almario.
Nangangahulugan itong kailangang likumin at pagkaraan ay piliin ang mga katutubong panitikan natin na nagtataglay ng mga halagahang kailangan ng mga Filipino para magkaisa at maisulong ang kanilang buhay.
HANDOG SA MAMAMAYANG FILIPINO
Inihahandog din umano ni Almario ang bagong lunsad na aklat sa mamamayang Filipino upang muling pukawin ang pagmamahal sa Inang Bayan sa pamamagitan ng paglingon sa nakaraan.
Pagdiriin pa nito na kailangan ng wastong paglingon at pagsisiyasat para sa kalusugan ng pambansang gunita na makapag-aambag sa pagbigkis ng higit na matibay at progresibong Filipinas.
Kailangan din umanong baguhin, kailangang iangkop sa hilig ng mga kabataan ngayon. At iyon ang hamon sa mga artist at creators kung paano maiuugnay ang nakalipas at ang ating kasalukuyan.
MGA NAGTANGHAL SA PAGTITIPON
Ang paglulunsad ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-75 na kaarawan ni Almario. Kaya’t marami ang nagtanghal sa nasabing pagdiriwang. Ipinakita ng UP Dance Company ang natatangi nilang sayaw.
Nag-perform din sina Vim Nadera Jr, Juan Miguel Severo, sikat na rapper na si Negatibo at ang The Makatas na sina RR Cagalingan, Karl Santos at Dakila Cutab kasama si Mike Coroza.
EXHIBIT MATAPOS ANG PAGLULUNSAD
Matapos ang paglulunsad at pagpapakitang-gilas ng mga nagsipagtanghal sa katangi-tanging pagtitipon, nagkaroon din ng exhibit ng mga gawa ni Almario sa UP Vargas Museum.
Ilan sa mga napansin o nakita ko sa exhibit ay ang mga tulang isinulat ni Almario sa kanyang mga apo. Naroon din ang kanyang makinilya, lamesa at upuang ginamit. Hindi rin siyempre nawala ang kanyang sombrero na tila ba trade mark na niya ito.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga National Artist na sina F. Sionil Jose, Bienvenido Lumbera, Ryan Cayabyab at Ramon Santos.
Comments are closed.