SI VICO AT SI BIKOY

Magkape Muna Tayo Ulit

TINGNAN ninyo nga ang tadhana. Dalawang malalaking mga balita na yumanig sa atin. Ang isa ay tila isang istroya ni “David at Goliath” kung saan may isang batang politiko na walang ibang hangad kundi ayusin ang kanilang lungsod. Nilabanan niya nitong nakaraang eleksiyon ang isang maimpluwensiyang pamilya na hawak ang kapangyarihan sa Pasig sa loob na halos  tatlong dekada. Nanalo ang batang politiko na ito at siya ngayon ang susunod na mayor ng Pasig. Siya ay si Vico Sotto.

Sa kabilang dako naman. May kahawig siyang pangalan na naging mainit na usapan dahil sa umano’y pagbunyag niya ng nasabing ‘Ang Totoong Narcolist’. Ginamit ang YouTube upang isiwalat ‘di umano na ang pamilya ni Pangulong Duterte ang totoong nagpapalakad ng ilegal na droga sa ating bansa. Subali’t kinalaunan ay bumaligtad ang taong ito at sinasabi na ginamit lang daw siya ng mga dilawan sa hangad na mapatalsik si Duterte sa kaniyang puwesto upang pumalit si Bise Presidente Leni Robredo na kilalang kaanib sa mga dilawan at sa Liberal Party. Ang pangalan nitong nagsiwalat ay si Peter Joemel Advincula o mas kilala sa pangalang Bikoy.

Kabaligtaran naman ito sa istorya na nangyari kay Vico. Isiniwalat ng kilalang artista at komed­yante na si Vic Sotto, ama ni Vico, na ipinagbawal daw ang paglalako ng kakanin na biko sa mga palengke noong panahon ng kampanya. Ito raw ay utos ng mga nasa may kapangyarihan ng Office of the Mayor ng Pasig. Ayaw daw nila na maski sa ‘kakanin’ man lang, ay tangkilikin ang pagtakbo ni Vico Sotto laban sa incumbent na mayor na si Robert Eusebio. Subali’t ganun pa man, nanalo pa rin si Vico. Marahil ang karamihan ng mga Pasigueño ay naniniwala sa sinseridad at katapatan ni Vico bilang susunod na mayor ng kanilang lungsod.

Kabaligtaran ang nagyayari sa kalagayan ni Bikoy. Wala ng naniniwala sa kanya. Walang sinseridad si Bikoy. Sa katunayan, isiniwalat din ni Senate President Tito Sotto, na tiyuhin ni Vico, na ginawa na rin ito ni Bikoy noong 2016. Ayon kay Sen. Sotto lumapit si Bikoy sa kanya upang isiwalat umano na si dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang opis­yal niya ay sangkot sa ilegal na droga. Ngayon, si Pangulong Duterte naman ang idinadawit ni Bikoy. Hindi lamang yan, bumaliktad na naman ulit si Bikoy upang sabihin na ginamit siya ng kampo ni Sen. Trillanes at mga dilawan sa nasabing ‘Ang Totoong Narcolist’ upang pabagsakin ang adminis­trayon ni Duterte!

Sang-ayon ako sa sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde. Ang pagbaligtad ni Bikoy at pagtuturo sa mga oposisyon bilang utak ng ‘Ang Totoong Narcolist’ video na lumabas sa YouTube, ay pasan niya. Kailangang patunayan ni Bikoy ang lahat ng sinabi niya na may alam ang mga kandidato ng Otso Diretso, ilang mga kilalang supporter ng dilawan, ang mga pari at madre ng unibersidad ng Ateneo at La Salle, at ang kampo ni Sen. Trillanes sa planong pagpapatalsik kay Duterte.

Kung totoo man ang mga sinabi ni Bikoy at matagpi-tagpi niya ang mga sinasabi niyang mga pulong at pagplano nito, aba’y mabigat na paratang ito. Maaring makasuhan ang mga utak nito ng inciting to sedition. Parang tubig at langis ang mga nangyari kay Vico at Bikoy. Napapaisip ka lamang na tila pinaglalaruan tayo ng tadhana. Si Vico ay nagbibigay pag-asa na maaring ayusin ang mga bulok na sistema sa politika. Samantalang kay Bikoy naman ay ipinapakita kung gaano kadumi ang politika sa ating bansa. Gagawin ang lahat, maagaw lamang ang kapangyarihan. o0o Nais kong batiin ngayong araw ng Happy Birthday ang aking asawa na si Red B. Sison. Maraming salamat sa lahat ng iyong suporta, pagmamahal at pag-aaruga ng ating pamilya. Isa kang tunay na Ulirang Ina.

Comments are closed.