SI YORME ISKO NA BA ANG KANDIDATO NG ONE CEBU PARTY?

NAPAKALAKI ng posibilidad na si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, ngayon ay ‘Top Choice’ sa mga kandidatong pangulo ang piliing suportahan ng pamilya Garcia sa eleksiyon sa Mayo 2022.

Ito ang napansin ng maraming kilalang pulitiko ng Cebu sa ipinakitang magiliw at mainit na pagtanggap ni Gov. Gwendolyn F. Garcia at mga kapatid kay Yorme Isko na bumisita sa Cebu Coperative of First Instance (CFI) na itinatag ng namayapang si Judge Esperanza ‘Inday’ Fiel Garcia – ina ng gobernadora.

“Karangalan namin ang pagbisita mo sa amin, Mayor, “sabi sa English ni Gov. Gwen at sinabing ang (CFI) ay kooperatibang itinayo ng kanyang ina sa kapakanan ng mga kawani ng hukuman.

“…you bring honor to our mother and to our family. On behalf of our family, from the bottom of our hearts, we thank you very much,” sabi naman ni Atty. Winston F. Garcia, chairman ng CFI Cooperative.

Nagpunta sa Cebu si Yorme Isko bilang bahagi ng kanyang “Listening Tour” upang makipagmiting at makinig sa mga tao at malaman ang mga problema sa iba-ibang lalawigan at lokalidad.

Sa balkonahe ng Kapitolyo, masayang tinanggap ng 50 kawani at opisyal ng kooperatiba ang pangkat ni Isko, at doon, sina Gov. Gwen, Atty. Winston at kapatid na si Cebu Dist. 3 Rep. Pablo John ‘PJ’ Garcia ay magkakasamang nagpakita ng “No.1,” na siya ring senyas ng One Cebu at ng Manila God First!.

o0o

Napansin ng mga kilalang pulitiko sa Cebu na si Yorme Isko ang ikalawang kandidato sa pagka-pangulo na nakasama ng magkakapatid sa balkonahe ng Kapitolyo, una ay si Gloria Macapagal Arroyo nang kumandidato ito at nanalong pangulo noong 2004.

Sinabi ni Gov. Garcia na tanging si Isko lamang sa mga kandidatong pangulo na bumisita sa Cebu ang nagpakita ng interes na makita ang kooperatibang itinayo ng kanilang ina noong 1970.

Itinayo ni Judge Esperanza bilang tulong sa mga kawani ng korte na naging biktima ng abuso ng mga kompanya sa pautang.

“…You have done your research, Yorme,” sabi ng gobernadora.

Ikinatuwa ng mga miyembro ng kooperatiba nang ibahagi ni Yorme Isko ang mga plano niya tungkol sa buhay at kabuhayan, paglikha ng maraming trabaho, pagluluwag sa industriya at negosyo, pagbawas ng 50 porsiyentong buwis sa langis at koryente at ang paglutas sa perwisyong dala ng pandemyang COVID-19.

Pinuri ni Yorme Isko ang tagumpay ng CFI Coop na pinakamalaki at pinakamatagumpay na kooperatiba at may P15 bilyong kapital at mahigit sa 150,000 kasapi sa buong bansa.

Sa dalawang araw na pagbisita sa Cebu una nitong Huwebes, sinamahan siya ni Rep. PJ sa pagbisita sa bayan ng mga Garcia sa Barili, Dumanjug at Moalboal na kilala sa mundo na diving resorts na pininsala ng pandemya ng nakaraang taon.

Kasama ang mga kasapi ng One Cebu Party sa Club Serena Resort Hotel sa Moalboal, ipinahiwatig ng magkakapatid na Garcia na posibleng si Yorme Isko ang iendorso nila para sa 2022.

Si Cong. PJ ang secretary-general ng One Cebu, ang pinakamalaki at maimpluwensyang partido politikal sa buong Cebu.

o0o

“Mayor Isko is one of those who will be seriously concerned by One Cebu to be the presidential candidate of One Cebu. We’re seriously, seriously considering Mayor Isko,” sabi ni Garcia.

Idinagdag ni Rep. PJ na ang programa de gobyerno ng Aksyong Demokratiko ay katulad ng mga programang ipinatutupad nila sa pamahalaang lalawigan ng Cebu.

Programa rin ng magkakapatid na Garcia ang programa sa MSMEs at turismo na prayoridad ngayon ng One Cebu at ni Gov. Gwen.

“…when the pandemic hit, ‘yung inuna ni Governor Gwen was really to balance lives and livelihood life and livelihood, di pwede magtago na lang palagi,” sabi ng kongresista ng 3rd district.

Pinansin ni Cong. PJ na pareho kung mag-isip sina Yorme Isko at Gov. Gwen kung paano maibabangon ang ekonomya, mapasisigla ang hanapbuhay, lokal na turismo at ang pagtulong sa MSMEs.

“I think great minds, you know, think alike, Mayor Isko and Governor Gwen,” sabi ng batang kongresista.

Si Yorme Isko na ba ang kandidato ng One Cebu?

Abangan!

Pilipinas, God First!

o0o

Para sa inyong mga suhestiyon, reaksoyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].