SI YORME NG MAYNILA

Magkape Muna Tayo Ulit

KILALA nating lahat si Francsico Moreno Domagoso na mas kilalang ‘Isko Moreno’. Sigurado ako na karamihan sa atin ay alam ang pinagdaanan niya sa buhay. Lumaki sa Tondo. Naging ba­surero. Naghahanap ng tira-tirang pagkain sa isang kilalang fastfood restaurant. Sumabak sa pag-aartista. Naging bahagi ng kilalang grupo ng mga batang artista ng ‘That’s Entertainment’ ni German Moreno noong dekada 90.

Sumubok siya sa larangan ng politika at tumakbo bilang konsehal ng ika-unang distrito ng Maynila noong 1998 at ibinoto ng kanyang mga constituent sa loob ng tatlong termino. Noong 2007 nahalal siya bilang vice mayor ng Maynila. Kumuha siya ng ma-bilisan na edukasyon sa UP tungkol sa  kurso ng Local Legislation at Local Finance. Kumuha rin siya ng public administration sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Nanilbihan siya bilang vice mayor kina Alfredo Lim at Joseph Estrada. Sinubukan din ni Isko na tumakbo sa pagka-senador noong 2016. Hindi siya pina­lad at pumuwesto lamang ng ika-15.

Itinalaga siya ni Pangulong Duterte noong Hulyo 2017 bilang chairman ng North Luzon Railways Corpo-ration (NorthRail). Nag-resign siya matapos ng tatlong buwan at inilipat si Isko sa DSWD bilang Undersec-retary for Luzon Affairs.

Inilatag ko ang karera ng buhay ni Isko Moreno dahil tila ito ang naging instrumento at karanasan kung bakit nakamamangha ang pagbabago ng Maynila mula nang siya ay umupo bilang mayor ng nasabing lungsod.

Tandaan natin na wala pang isang buwan si Isko bilang ‘Yorme’ ng Maynila. Oo nga pala, isa pa ‘yan sa kakaiba na katangian ng Isko Moreno. Siya lamang yata ang talagang masasabi na na­ging mayor sa Metro Manila na talagang lumaki sa lansangan. Subali’t nagsumikap mag-aral upang maabot niya ang kinaroroonan niya ngayon.

Nguni’t makikita mo sa kanyang asta, pananalita at personalidad na tunay siyang maka-masa. Sa mga interbyu niya, natural sa kanya ang salitang kalye nguni’t hindi nawawala ang paggalang sa kanyang mga kausap.

Maliban sa kanyang planong buhayin muli ang ganda ng Maynila, tila binubuhay niya rin ang salitang Tagalog na binabaligtad. Tulad ng ‘etneb’ (beinte), ‘takwarents’ (kuwarenta), ‘oblo’ (loob) at marami pang iba. Pati ang mga salitang kalye at mga ilegal na kalakaran sa lungsod ay alam na alam niya.

Hindi ko personal na kilala si ‘Yorme’ pero lantaran na sasabihin ko na bilib ako sa kanya. Marami pang kailangan na ayusin sa Maynila. Pero sa loob ng dalawang linggo pa lamang na panunungkulan ni ‘Yorme’ ay malaki at makabuluhan na ang mga nakikita nating mga pagbabago.

Sabi ko nga, inggit na inggit ako sa Singapore. Napakaganda. Malinis. Maayos. Maganda ang peace and order doon at higit sa lahat ay may disiplina ang mga mamamayan ng Singapore. Sumusunod sila sa batas dahil alam nila na seryoso ang mga namumuno sa kanila.

Kapag ipagpapatuloy ni ‘Yorme’ ang kanyang ginagawa, malamang ay babalik ang ningning ng Maynila tulad ng Singapore. Babalik ang mga turista roon at mabubuhay muli ang interes ng ating mga kaba-bayan na puntahan ang Maynila na ubod ng yaman ng ating kasaysayan, kasarinlan at kultura nating Filipino. Mabuhay ka ‘Yorme’!