SIARGAO NANUMBALIK SA PAGIGING SURFING CAPITAL NG BANSA

NABUHAY muli ang turismo na nagpasikat sa Siargao bilang Surfing Capital of the Philippines dahil sa maaalon sa karagatan, kasabay nito ang pagbubukas ng 1st Mayor Sol’s National Surfing Competition na sasalihan ng mga local at international surfers na magtatagisan sa balancing sa surfing sea sa Cloud 9 sa isla ng Siargao sa Surigao City.

Ang surfing event ay taunang ginagawa sa Cloud 9 at natigil lamang sa panahon ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic at nasalanta ng bagyong Odette ang Siargao na sumira ng halos lahat ng bahay at kabuhayang niyog ng mga Surigaonon.

Malaki ang pasasalamat ni General Luna Mayor Sol Matugas sa mga dumalo at nakiisa sa muling pagbuhay ng surfing event sa GL, Siargao matapos ang naranasang masalimuot na pananalasa ng bagyong Odette na halos na washed-out ang buong isla at ngayong ay unti-unti nang bumabalik at sumisigla.

Umaabot sa 140 Pinoy surfers ang kalahok, kabilang ang 121 lalaki at 19 surfers na babae ang susuong sa matataas na wave ng dagat at magpapakitang gilas sa kanilang galing sa balancing sa pagtayo sa surfing board.

Katuwang ng surfing event ang United Philippine Surfing Association na qualifier ng 26th Siargao International Surfing Cup na gagawin ngayong darating na October 15 hanggang 21 sa Cloud 9.

Ang pagkakaroon ng international competition ay mas magpapalakas sa turismo ng Siargao at muling aangat ang Siargao bilang No. 1 sa mga bisitang dayuhan mula sa iba’t ibang panig ng bansa. VICK TANES