SIBAK ANG JAZZ; SIXERS BUHAY PA

clippers vs jazz

SUMANDIG ang Los Angeles Clippers kay second-year player Terance Mann nang burahin nila ang malaking kalamangan ng Utah upang gapiin ang Jazz, 131-119, at sumampa sa NBA Western Conference Finals noong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nagpasabog si Mann, pumalit kay injured Kawhi Leonard sa starting lineup, ng 39 points, kabilang ang 20 sa krusyal na third quarter, upang pangunahan ang Clippers.

Nakatuwang niya sina Paul George at Reggie Jackson kung saan nakalikom si George ng 28 points, 9 rebounds at 7 assists at nag-ambag si Jackson ng 27 points at 10 assists.

Naghabol ang Clippers ng 22 points sa halftime subalit bumawi sa second half upang kunin ang panalo sa Game 6 at mamayani sa series, 4-2.

Na-outscore nila ang Jazz, 81-47, sa huling dalawang periods.

Tila patungo na sa panalo ang No. 1 seed Utah makaraang maitarak ang 72-50 halftime lead, sa pangunguna nina Donovan Mitchell at Jordan Clarkson.

Subalit mula sa break ay nag-init si  Mann, nagsalpak ng apat na three-pointers tungo sa 20 third quarter points. Walo rito ay naitala sa 17-0 run kung saan tinapyas nila ang 19-point deficit sa  2 puntos na lamang, 90-88.

Sa fourth quarter, kumana sina George, Nic Batum at Pat Beverley ng mga tres upang bigyan ang Clippers ng kalamangan. Isang triple naman ni Mann ang nagbigay sa kanyang koponan ng double-digit lead, 116-106.

Muling nanguna si Mitchell para sa Jazz, sa pagkamada ng 29 points, 9 rebounds at 9 assists.

76ERS 104,

HAWKS 99

Nalusutan ng Philadelphia 76ers ang matikas na pakikihamok ng Atlanta Hawks sa endgame upang maitakas ang  104-99 panalo at ihatid ang kanilang NBA Eastern Conference semifinal series sa deciding Game 7.

Abante ang No. 1 seed Phildelphia sa second half, ngunit dumikit ang Atlanta sa isang puntos, 94-93, sa huling dalawang minuto.

Subalit ‘di tulad sa Game 5, kung saan nahirapan silang makapuntos sa closing minutes, nakakuha ang Sixers ng ilang plays mula kay Joel Embiid, gayundin ng mga krusyal na free throws kina Tobias Harris at Tyrese Maxey.

16 thoughts on “SIBAK ANG JAZZ; SIXERS BUHAY PA”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *