(Sibilyan nadisgrasya, 3 pa sugatan) PULIS NA IDE-DEPLOY SA SEA GAMES TINANIMAN NG GRANADA

granada

MANDALUYONG CITY – NAKALIGTAS ang isang pulis sa pagsabog ng granada na itinanim sa kanyang motorbike, subalit isang sibilyan ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan kahapon ng umaga sa Barangay Addition Hills.

Kinilala ni Colonel Remigio Sedanto, Mandaluyong chief of police, ang sibilyan na nasawi na si Roger Avila Barcelo, 37, ng Barangay Barangka habang sugatan sina Rogelio Tolentino Jr, 32; Merlina Montir Gembaro, 52; at Edwin Rodas, 34, pawang residente sa nasabing lugar.

Naganap ang pagsa­bog ng granada alas-6:30 ng umaga sa F. Martinez Street sa Barangay Addition Hills.

Minamaneho ni Staff Sergeant Aldin Saligo ng Mandaluyong Police ang kanyang motorbike patungo sa kanilang tanggapan para sa deployment sa Southeast Asian Games 2019 nang biglang bumagsak sa kanyang sasakyan ang granada at mabilis siyang lumundag.

Sa pagkakataong iyon ay sumabog ang granada dahilan para tamaan ng shrapnel ang apat.

Rumesponde naman ang PNP Bomb Squad, Scene of the Crime Operatives at Mandaluyong Fire Department, subalit nasawi at nasugatan ang mga biktima.

Nadiskubre na ang granada ay nakakabit sa lower engine ng motorsiklo ni Saligo.

Ayon kay  Sedanto, posibleng drug related ang tangkang pagpapatumba kay Saligo na naka-assign sa Drug Enforcement Unit at dating nasa  intelligence division.

Nakatatanggap din ani­ya ng death threats si Saligo. ELMA MORALES