SIBILYAN TIKLO SA INDISCRIMINATE FIRING

OCCIDENTAL MINDORO- ISANG lalaking sibilyan ang inaresto makaraang magpaputok ng baril para salubungin ang Bagong Taon.

Ayon kay Col. Redrico Maranan, hepe ng PNP Public Information Office, ang pag-aresto sa lalaki ang unang indiscriminate firing na kanilang natanggap habang patuloy pa ang pangangalap ng report kung mayroon pang iba na nasangkot sa kagayang kaso.

“Tayo ay nakapagtala ng isa nitong December 31 to Jan. 1 na monitoring natin nagkaroon ng isa. Isang civilian ang suspek at siya naman ay naaresto ng ating mga kapulisan nrumesponde sa Mamburao, Occidental Mindoro,” ayon kay Maranan.

Wala namang naiulat nasaktan sa pamamaril ng suspek.

Sinabi pa ni Maranan na sa kanyang bakuran nagpaputok ng baril ang lalaki na ilang kapitbahay nito ang nakasaksi saka ipinaalam sa pulisya.

Sa ngayon, wala nang iba pang kaso ng indiscriminate firing na natatanggap ang PNP.

Gayunpaman, mananatili ang mataas na alerto ng pulisya hanggang Enero 6. EUNICE CELARIO