PINANGANGAMBAHAN ng grupo ng mga magsisibuyas na babagsak ang presyo kapag itinuloy ang planong importasyon ng Department of Agriculture (DA).
Sumugod sa tanggapan ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga magsisibuyas sa Central Luzon upang iparating ang kanilang pagtutol sa planong ito.
Naghihimagsik ang kalooban ng grupo at ayon kay Arnel Llamas, pangulo ng Katipunan ng Samahang Magsisibuyas sa Nueva Ecija (Kasamne), dapat bago mag-angkat ng sibuyas ay kinonsulta muna sila ng Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Llamas na marami pang supply ng sibuyas na pula sa kanilang mga bodega at sasapat pa hanggang Nobyembre, ngunit may kakulangan sa supply ng sibuyas na puti.
Mula umano nang mapaulat ang importasyon ng sibuyas ay nahihirapan na silang ibenta ang kanilang produkto sa Nueva Ecija na nakukuha na lamang ito sa halagang P55 hanggang P60 ang kada kilo at dapat naibebenta ito sa Metro Manila ng P85 hanggang P90 kada kilo.
Samantala, idinepensa ng BPI na nagdesisyon silang mag-angkat ng sibuyas bunga ng pangambang pumalo ang presyo nito sa P100 sa kada kilo na katulad ng nangyayari ngayon sa presyo ng bigas na biglang tumaas ng ilang piso ang presyo kada kilo. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.