SA Estados Unidos, ipinagdiriwang ang National Egg Day tuwing Hunyo 3 bawat taon.
Pagkilala raw ito sa kahalagahan ng itlog bilang pagkain ng tao.
May taglay pa naman itong mataas na antas ng cholesterol.
Gayunman, matapos ang pagbabago sa mga alituntunin ng American Heart Association, kinilala ang mga benepisyo ng itlog sa kalusugan kaya naging prominente itong pagkain.
Kilala itong mayaman sa carbohydrates at amino acids na itinuturing na ng iba bilang superfood.
Taglay rin nito ang protina, vitamin B12, vitamin D, riboflavin at folate.
Nangingibabaw sa almusal sa buong mundo ang curry, nilagang itlog, sunny side up, egg toast, at egg omelette.
Sa Pilipinas naman, parang pambansang pagkain na ang itlog.
Abot-kaya kasi ito at madaling bilhin.
Hindi na nga lang ngayon.
Kung dati nakakabili ng P5 kada piraso ng itlog, ngayon ay P9 hanggang P12 kada piraso, depende sa laki.
Animo’y ginto na rin.
Noong una, sibuyas at ngayon ay itlog naman ang tila kinokontrol ng kartel.
Ikinaalarma ito ng mga kinauukulan, lalo na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Kaya inatasan ni PBBM ang Department of Agriculture (DA) na silipin kung bakit tumataas ang presyo ng itlog.
Nakapulong daw pala ng Presidente si DA Undersecretary Domingo Panganiban at iba pang DA officials.
Nais din ng Pangulo na makipagpulong si Panganiban sa mga producer at negosyante ng itlog.
Mahalaga nga naman na malaman kung bakit tumaas ang presyo ng mga itlog ng manok nitong mga nakaraang linggo.
Nakapagtataka raw na nangyayari ito kahit sapat naman ang suplay sa merkado.
Lumalawak ang agwat sa pagitan ng farm gate at retail prices.
Sa price watch ng DA noong Enero 13, aba’y P9 bawat isa ang halaga ng itlog.
Sobrang layo sa presyo noong Disyembre 2022 na P6.90 lamang.
Dapat daw ang itlog ay nasa pagitan lamang ng P7 hanggang P7.50 kada piraso.
Masaklap dahil ang bentahan na nito ngayon ay kasing taas na ng P9.60 kada piraso.
Hindi pa nga tapos ang problema ni Juan dela Cruz sa presyo ng sibuyas, heto’t itlog naman ngayon.
Ang mga tapsilugan nga raw ay laging nauubusan ng itlog at maging ang mga lugawan at paresan. Malamang dahil sa sobrang mahal na ng bentahan nito.
Nangangahulugang napapanahon ang pagtitipid.
Habang hinahanapan ito ng solusyon ng gobyerno at habang maaga pa ay pag-isipan na ang mga paraan kung saan tayo puwedeng makatipid.
Mainam na matutunan ang mga iba’t ibang pamamaraan ng pagtitipid sa ganitong panahon na tila pinaglalaruan tayo ng mga middleman, negosyante, o kaya’y sindikato.
Naku, habang maaga pa’y iwasan na ang pag-aksaya ng pagkain at pag-aralan na lang siguro natin ang pagtatanim ng mga gulay at prutas.