SIDELINE KAHIT OFF DUTY BAWAL SA PULIS

BAWAL ang moonlighting o pagraket ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) kahit pa naka-off duty o nakabakasyon.

Ito ang  nilinaw at binigyang diin ni PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido De Jesus Dulay kasunod ng pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga tauhan ng PNP-Special Action Force na sangkot sa “moonlighting” dahil sa pagsisilbing bodyguard sa ilang Chinese.

Iginiit ni Dulay na maituturing na napakalaking kasalanan sa taumbayan ang  moonlighting , pag-raket o paghahanap ng  sideline o trabaho habang nasa serbisyo.

Paliwanag pa ni Dulay, walang dahilan  ang mga pulis para pumasok sa ganitong gawain dahil pinapasahod sila nang maayos ng gobyerno, suportado sila ng PNP,   marami at magaganda ang kanilang benepisyo  at ang tanging ambag na lamang nila ay ang pagsilbihan ng tapat ang taumbayan.

Aniya, ang trabaho ng pulis ay 24/7 na ang ibig sabihin ay on-call sila anomang oras   lalo na kung may emergency,  kaya hindi sila maaring magtrabaho ng iba o mag-sideline sa ibang trabaho  dahil ang responsibilidad nila ay   protektahan ang  mga mamamayan anomang oras.

Inamin din ng  opisyal na mahirap mapigilan ang moonlighting sa hanay ng PNP dahil kahit may maaresto at may maparusahan ay hindi aniya masasabing titigil na at hindi nas susubok pa ang iba ng gumawa nito.

Sa ngayon, iniutos na ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang pagsasagawa ng mas malawak na  imbestigasyon sa  mga kaso ng moonlighting sa  organisasyon.

Hindi lamang mga sangkot na pulis ang isasalang sa imbestigasyon kundi maging ang mga  commanding officer ng mga ito dahil hindi naman aniya maglalakas loob ang mga pulis na pumasok sa ganitong trabaho kung wala silang kasamang ibang tao.

EUNICE CELARIO