QUEZON CITY – IKINAGALAK ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang nilagdaang memorandum of understanding ng Philippine National Police (PNP) at ng ABS-CBN hinggil sa isyung bumalot sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’.
“All’s well that ends well”, ito ang sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año habang ipinaabot ang pagbati sa pulisya at sa giant network.
“Natutuwa ako at nagkaroon ng win-win solution, ito ang pinakamagandang solusyon para sa kapakanan ng naturang palabas, sa pulisya at sa mga manonood,” sabi ni Año.
Ayon kay Año, patuloy na rerespetuhin ng DILG at PNP ang kalayaan ng estasyon na ilahad ang estorya ng naturang programa habang isinasaalang-alang nito ang integridad at pangalan ng PNP.
Sa naturang MOU, patuloy na ipagagamit ng PNP ang mga kagamitan nito katulad ng patrol cars, venues, personnel, firearms, at iba pang mga gadget na kinakailangan sa paggawa ng sikat na palabas.
Sa panig naman ng ABS-CBN, “FPJ’s Ang Probinsyano”, patuloy ang magiging pagsasalarawan kay Cardo Dalisay bilang isang pulis na mayroong dedikasyon at integridad na magsilbi at protektahan ang mga tao sa pagpapakilala bilang miyembro ng PNP.
Kahapon ay dumalo pa sa maagang flag raising ceremony ng PNP si Coco Martin na kilalang si Cardo Dalisay at nakaharap din niya si PNP Chief, DG Oscar Albayalde sa MOU signing. PAULA ANTOLIN