SIGAW NG ATIMONAN: PLANTA ITAYO NA

ATIMONAN

NAGTUNGO ang ­ilang residente ng Atimonan sa tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong Miyerkoles, ­Setyembre 19, upang ipakita ang kanilang suporta sa planong pagtatayo ng planta ng koryente sa kanilang lugar na may kapasidad na 1,200 MW.

Ayon sa presidente ng Municipal Agriculture and Fisheries Council na si Demosthenes Hernandez, napagdesisyunan nilang isagawa ang nasabing rally sa ERC upang ipakita ang kanilang suporta sa Atimonan One Energy (A1E), pati na rin sa ERC. Kinakatawan din nila ang iba pang mga Atimonanin na sumusuporta sa natu­rang proyekto.

Aniya, ito rin ay isang paraan ng pagpapakita ng suporta at pasasalamat kay ERC Chair Agnes Devana­dera. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang isinagawang rally ay makikita ng mga commissioner ang kahalagahan ng nasabing proyekto.

Nagpaabot din ng pasasalamat sa Department of Energy (DOE) si Hernandez.

“Lubos kaming nagpapasalamat kay Sec. Alfonso Cusi dahil sa pagbibigay ng DOE ng Certificate of Energy Project of National Significance (EPNS) sa Atimonan One Energy bilang pagkilala sa kahalagahan ng nasabing proyekto,” dagdag niya.

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng DOE ng EPNS ay inaasahang maglalabas na rin ng desis­yon ang ERC sa loob ng 30 araw sa ilalim ng Executive Order no. 30.

Pinasalamatan din ni Hernandez si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpirma nito sa Executive Order No. 30 (EO 30) na nagbigay-daan upang mas mapabilis ang proseso para sa mga proyektong kagaya ng sa A1E.

“Malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa aming komunidad dahil ito ay magbubukas ng karagdagang trabaho na siyang inaabangan namin sa  Atimonan. Naniniwala kami na malaki ang maitutulong nito sa aming kaunlaran. Inaasahan naming hindi magtatagal ay magsisimulang tumaas ang antas ng kabuhayan naming mga Atimonanin sa tulong ng proyektong ito. Magsisilbi itong bagong pag-asa sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan para sa mga kabataan ng Atimonan,” sabi pa niya.

Ang mga residente ay maagang bumiyahe upang magtungo sa ERC para isumite ang kanilang pinirmahang statement na nagpapahayag ng kanilang pagsuporta sa proyekto.

Comments are closed.