Sigla sa Taguig sa Buwan ng Sining

ni Riza Zuniga

ISA  sa nagpapasigla ng sining at kultura sa bayan ng Taguig ay ang Galerie du Soleil, na pinamamahalaan ni Danny Rayos Del Sol.

Bilang pagdiriwang sa Buwan ng Sining, magkakaroon ng “Painting the Portrait and Figure Workshop” mula ika-13 hanggang ika-16 ng Pebrero sa Galerie du Soleil. Ang tagapagturo sa workshop ay si Romel de la Torre isang propesor ng Fine Arts sa Chicago, USA.

Ang mga kalahok ay magkakaroon ng pagkakataong maipakita ang kanilang painting mula sa workshop sa isang eksibisyong na itatampok sa gallery.

Nagmistulang maliit na National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang naturang gallery dahil binigyang puwang ang mga alagad ng sining na nagsisimula pa lamang hanggang sa mga kilala at premyadong artists mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Maging ang tema ay nakabatay sa mga ipinagdiriwang na selebrasyon sa Pilipinas sa loob ng isang taon. Layunin din ng gallery ang matuto ang karaniwang Pilipino sa kung ano ang kayang ibigay ng sining sa kamalayan at pagkatuto sa kanyang pagkatao at kasarinlan.

Ang gallery ay hindi lamang espasyo para sa pagpapakita ng natatanging obra bagkus ay isang lugar para magabayan ang mga artists sa pagprepresyo ng kanilang naipinta o naiguhit.

Tinatayang 36 na ang mga artists na kasapi sa Taguig Artists Group, na kamakailan lamang ay nagsimula sa 18. Ang kanilang eksibisyon na nangyari nang nakaraang taon sa buwan ng Pebrero na pinamagatang “Likhang Taguigeño.”

Kung kaya’t sa bawat pagdiriwang, hindi lamang eksibisyon ang ibinabahagi ng gallery kundi kasama ang pagpapatibay ng propesyunalismo sa mga galleries at makasama sa promosyon ng turismo ang sining.

Sa loob ng isang taon, naging saksi ang mga taga-Taguig sa mga piling obra ni Rayos de Sol sa unang eksibisyong “Pasasalamat” mula Disyembre 2022 hanggang Enero 2023; na sinundan ng “Likhang Taguigeño” ng Pebrero; “Ama” buwan ng Marso at Abril, kasabay ang “Straight from the Heart;” “Probinsyudad” Mayo, muli mga Taguig Artists Group; “Tag-init sa Tag-ulan” mga artists mula sa Mindanao, buwan ng Hunyo; “7 7 7” pitong magagaling na artists sa isang eksibisyon sa ikapitong araw ng Hulyo; “Seal of Generation” Agosto; “Her Story in Colors,” fundraising para sa mga kababaihan mula sa Zonta International, Setyembre; mula Oktubre hanggang Nobyembre, mga nakasama sa eksibisyon sa Manila Art; at ang pinakahuli “Kumukutitap” mga likhang obra ni Ramon Orlina, mula Disyembre 2023 hanggang Enero 2024.