MARAMI sa atin ang umaalis o nagbabakasyon kapag Semana Santa. Kadalasan kasi ay wala tayong trabaho kaya’t ginagamit natin ang panahong ito upang maka-bonding ang ating pami-lya at mga kaibigan.
Importante nga naman kasi ang makapagpahinga ka kahit na saglit lang upang hindi maburyong sa ating ginagawa.
Sabihin mang mahal na mahal o gustong-gusto natin ang ating trabaho, dumadalaw pa rin ang mga panahong tinatamad tayo.
Kaya’t tamang-tama nga naman sa mga abalang empleyado o pamilya ang pagbabakasyon kapag holiday o ngayong holy week.
Hindi rin naman kasi kailangang lumayo pa tayo dahil kahit dito lang sa Metro o sa mga karatig lugar nito, may mapupuntahan na tayo na talaga namang makapagre-relax tayo at makapag-e-enjoy.
Pero bukod sa pagtungo sa ibang lugar o ang pag-iisip na makapag-relax, isa pa sa dapat nating alalahanin ay ang ating tahanan. Ibang-iba na ang panahon ngayon.
Marami na ang mapagsamantala. Kumbaga, kapag nakatiyempo, nanlalamang ng kapwa.
Kaya’t para masigurong safe ang inyong tahanan sa mga oras o araw na wala kayo o nasa ibang lugar, narito ang ilan sa mga dapat ninyong isaalang-alang:
IKANDADO ANG BINTANA AT PINTUAN
Kung aalis tayo ng bahay, napakahalagang natsetsek natin ang mga pintuan at bintana sa loob at labas ng ating bahay. Unang-una, siguraduhing maayos ang lock ng mga pinto at bintana at hindi ito basta-basta mabubuksan.
Kung mayroong sira kahit na kaunti lang, ayusin na kaagad bago iwanan ang tahanan nang makatiyak na walang kahit na sino ang makapapasok dito.
Siguraduhin ding maayos na nakakandado ang mga pintuan at bintana sa panahon ng pag-alis.
HUWAG IPAALAM NA IIWANAN ANG TAHANAN
Iwasan din siyempre ang pagpapaalam sa mga kapitbahay o kung sino man na aalis kayo at iiwan ninyo ang inyong tahanan.
Oo nga’t excited tayo sa pagbabakasyon o pagtungo sa ibang lugar.
Gayupaman, kung ipaaalam mo sa maraming iiwanan ninyo ang inyong tahanan at aalis kayo ng iyong pamilya, maaaring mag-ing dahilan ito upang makapag-isip ng hindi maganda ang masasamang loob at puntiryahin ang inyong bahay.
Kaya para maging ligtas ang tahanan habang walang tao o nasa ibang lugar ang mga nakatira rito, huwag ipaalam sa kung kani-kanino ang inyong pag-alis.
MAGING MAINGAT SA PAGPO-POST SA SOCIAL MEDIA
Nararapat lamang din na maging maingat tayo sa ating mga ikinikilos.
Marami rin sa atin ang napakahilig sa social media at lahat ng nangyayari sa kanyang buhay—personal man o tungkol sa tra-baho, ay ipino-post niya sa nasabing platform.
Okey lang din naman na mag-share ng mga bagay tungkol sa sarili o pamilya. Gayunpaman, dapat ay limitado lamang ang ibinubulatlat o ipinaaalam natin sa mundo.
Maaaring may mga nagmamanman sa ating social media na masasamang loob. Hindi naman kasi lahat ng follower natin o kaibigan sa social media, masasabi nating mabuting tao.
Iwasan din natin ang pagbabahagi ng mga plano natin sa social media, gaya na lang ng mga travel plan.
KAPAG NAWALA ANG SUSI, PALITAN KAAGAD ANG LOCK
Hindi rin natin maiwasang maiwala ang susi ng ating bahay. Puwede kasing maiwan natin ito o kaya naman ay maihulog.
At kung sakali mang naiwala mo ang susi ng inyong bahay, makabubuti kung papalitan mo ang lock ng iyong bahay o pintuan para na rin makasiguro.
Puwede rin kasing may nakapulot niyon at gamitin pa para makapasok sa inyong tahanan.
ITAGONG MABUTI ANG MAHAHALAGANG BAGAY
Kailangan ding itago nating mabuti ang mga mahahalagang bagay na mayroon tayo. Mag-isip tayo ng lugar na puwede nating pagtaguan na hindi iisipin ng mga magnanakaw o masasamang loob na doon natin ilalagay.
HUWAG MAG-IIWAN NG MGA IMPORTANTENG GAMIT SA LABAS
Isa pa sa dapat nating iwasan ay ang pag-iiwan ng mga mahahalagang bagay sa labas ng ating bahay para hindi makatawag-pansin sa masasamang loob.
Huwag ding iiwanan sa labas ang mga ladder o hagdan na maaaring magamit ng masasamang loob upang makapasok sa loob ng iyong bahay.
TANGGALIN SA PLUG O SAKSAKAN ANG MGA KASANGKAPAN
Bago rin siyempre umalis ng bahay, siguraduhing nakatanggal sa saksakan ang mga kasangkapan nang hindi ito magdulot ng sakuna o sunog.
Linisin din bago umalis ang refrigerator at tanggalin sa loob nito ang mga ulam, prutas o gulay na madaling masira o magkaroon ng molds.
MAKIPAGKAIBIGAN SA MGA KAPITBAHAY
Importante rin siyempre ang pagkakaroon ng mga kaibigan, lalong-lalo na ang mga kapitbahay.
Kaya naman, matuto rin tayong makipagkaibigan sa ating mga kapitbahay nang may mahingan tayo ng tulong kung sakali.
Halimbawa na lang ay aalis tayo ng bahay, maaari nating itagubilin sa ating pinagkakatiwalaang kapitbahay ang ating tahanan habang nasa malayo tayo.
Napakaraming paraan na maaari nating gawin upang maging ligtas ang ating tahanan sa mga panahong nasa malayo tayo o nasa ibang lugar, gaya na lang ng mga ibinahagi namin.
(photo credits: cardosoelectrical.com, stanforddaily.com, property24.com, hhhba.ca)
Comments are closed.