NANAWAGAN ang tambalan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at running mate na si Davao Mayor Sara Duterte sa mga lokal na opisyal sa mga lugar na sinalanta ni ‘Odette’ na siguruhing nasusunod ang mga health protocol sa mga evacuation center kung saan pansamantalang tumutuloy ang libo-libong mga biktima.
Ang panawagan ay ginawa nila bunsod ng pangamba na maaaring maging laganap ang hawaan ng ibat-ibang uri ng mga sakit, lalo’t higit ang coronavirus infection kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid19 na dala ng bagong Omicron variant.
“Huwag na nating dagdagan ang kanilang paghihirap huwag nating hayaang makapasok ang Covid sa mga evacuation center, mas malaking problema ito kapag nagkataon,” ayon sa BBM-Sara UniTeam.
Nanawagan pa ang BBM-Sara UniTeam sa mga local government na nakakasakop sa mga evacuation center na mahigpit pa ring ipatupad ang mga health protocol sa kanilang mga lugar, tulad ng pagdi-disinfect sa mga temporary shelter at paglalaan ng mga hugasan ng kamay at pamimigay ng mga alcohol at face mask.
Kailangan din umanong masiguro na naipapatupad ang physical distancing lalo na at maraming biktima ang nagsisiksikan sa mga masisikip na lugar.
“Importante na bukod sa maayos dapat ang kalagayan nila ay masiguro rin na ligtas sila sa Covid19. Dapat lamang na masunod ang mga health protocol na ipinapatupad ng pamahalaan lalo na ngayon na patuloy pa rin ang pagtaas ang kaso ng tinatamaan ng virus,” anang BBM-Sara UniTeam.
Sa kabila naman ng banta ng Covid19, tuloy-tuloy pa rin ang pamimigay ng tulong ng tambalan sa mga nasalanta ng bagyo.
Bukod sa mga cash at relief goods, namahagi rin ang BBM-Sara UniTeam ng libu-libong galon ng tubig at water filtration kits. Namigay din sila ng mga construction material para muling maitayo ang mga bahay na winasak ng bagyo.
Kamakailan din ay namahagi ng mga generator set at satellite dish ang BBM-Sara tandem para magamit sa mga lugar na walang kuryente at walang signal ng telepono.